33 At kung ang sinoman ay magbubukas ng isang balon, o huhukay ng isang balon at hindi tatakpan, at ang isang baka, o ang isang asno ay mahulog sa loob, 34 Ay sasaulian ng may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari ng mga yaon, at ang patay na hayop ay magiging kaniya.
35 At kung ang baka ng sinoman ay sumakit sa baka ng iba, na ano pa't mamatay; ay kanila ngang ipagbibili ang bakang buhay, at kanilang paghahatiin ang halaga niyaon; at ang patay ay paghahatiin din nila. 36 O kung kilala, na ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at hindi kinulong ng may-ari; ay tunay ngang magbabayad siya, ng baka kung baka, at ang patay na hayop ay magiging kaniyang sarili.
1 Kung ang isang lalake ay magnakaw ng isang baka, o ng isang tupa at patayin, o ipagbili: ay kaniyang pagbabayaran ng limang baka ang isang baka, at ng apat na tupa ang isang tupa. 2 Kung ang isang magnanakaw ay masumpungan, na naninira, at masaktan na ano pa't namatay ay hindi aariing mamamataytao ang pumatay. 3 Kung sikatan siya ng araw, ay aariin siyang mamamataytao; siya'y dapat magsauli ng kabayaran: kung siya'y wala ay ipagbibili siya dahil sa kaniyang ninakaw. 4 Kung ang ninakaw ay masumpungang buhay sa kaniyang kamay, maging baka, o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng ibayo.
5 Kung ang sinoman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pawalan ang kaniyang hayop at pastulin sa bukid ng iba; sa pinakamainam sa kaniyang sariling parang, at sa pinakamainam sa kaniyang sariling ubasan, ay sasaulian niya.
6 Kung may magningas na apoy, at magtangay ng mga tinik, na ano pa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ay tunay na magbabayad yaong nagpaningas ng apoy.
7 Kung ang sinoman ay magpatago sa kaniyang kapuwa ng salapi o pag-aari, at nakawin sa bahay ng taong yaon; kung masumpungan ang magnanakaw, ay magbabayad ng ibayo. 8 Kung hindi masumpungan ang magnanakaw, ay lalapit ang may-ari ng bahay sa Dios, upang maalaman kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa. 9 Sapagka't lahat ng bagay na pagsalangsang, maging sa baka, sa asno, sa tupa, sa damit, o sa anomang bagay na nawala, na may magsabi, Ito nga ay akin; ay dadalhin sa harap ng Dios ang usap ng dalawa; yaong parurusahan ng Dios ay magbabayad ng ibayo sa kaniyang kapuwa.
10 Kung ang sinoman ay maghabilin sa kaniyang kapuwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anomang hayop; at mamatay, o masasaktan, o maagaw, na walang nakakakitang sinoman: 11 Ay pamamagitanan silang dalawa ng pagsumpa sa Panginoon kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa; at tatanggapin ng may-ari, at siya'y hindi magsasauli. 12 Datapuwa't kung kaniyang ninakaw sa kaniya ay sasaulian niya ang may-ari niyaon. 13 Kung nalapa ay dadalhing pinakapatotoo, at hindi sasaulian ang nalapa.
14 At kung ang sinoman ay humiram ng anoman sa kaniyang kapuwa, at masaktan, o mamatay, na hindi kaharap ang may-ari, ay walang pagsala na siya'y magsasauli. 15 Kung ang may-ari niyaon ay kaharap, ay hindi niya sasaulian; kung isang bagay na pinauupahan ay ihuhulog sa kaniyang kaupahan.