8 Nagpasabi ang Panginoon sa Jacob, at naliliwanagan ang Israel, 9 At malalaman ng buong bayan ng Ephraim, at ng nananahan sa Samaria, na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng ulo, 10 Ang mga laryo ay nangahulog, nguni't aming itatayo ng tinabas na bato: ang mga sikomoro ay nangaputol, nguni't aming papalitan ng mga cedro. 11 Kaya't itataas ng Panginoon laban sa kaniya ang mga kaaway ng Rezin, at manghihikayat ng kaniyang mga kaalit; 12 Ang mga taga Siria sa unahan, at ang mga Filisteo sa likuran; at kanilang lalamunin ang Israel ng bukang bibig. Sa lahat na ito ang kaniyang galit ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.
13 Gayon ma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kaniya na sumakit sa kanila, o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo. 14 Kaya't puputulin ng Panginoon sa Israel ang ulo't buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw. 15 Ang matanda at ang marangal na tao, siyang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siyang buntot. 16 Sapagka't silang nagsisipatnubay ng bayang ito ay siyang nangagliligaw; at silang pinapatnubayan ay nangapapahamak. 17 Kaya't ang Panginoon ay hindi magagalak sa kanilang mga binata, ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing bao: sapagka't bawa't isa ay marumi at manggagawa ng kasamaan, at bawa't bibig ay nagsasalita ng kamangmangan. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.
18 Sapagka't ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy; pumupugnaw ng mga dawag at mga tinikan: oo, nagaalab na sa siitan sa gubat, at umiilanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok. 19 Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo ay nasusunog ang lupain: ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy; walang taong mahahabag sa kaniyang kapatid. 20 At isa'y susunggab ng kanang kamay, at magugutom; at kakain ng kaliwa, at hindi sila mabubusog: sila'y magsisikain bawa't isa ng laman ng kaniyang sariling bisig: 21 Ang Manases, ay kakanin ang Ephraim; at ang Ephraim, ay ang Manases: at sila kapuwa ay magiging laban sa Juda. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.
1 Sa aba nila na nagpapasiya ng mga likong pasiya, at ng mga manunulat na sumusulat ng mga kasuwailan: 2 Upang iligaw sa kahatulan ang mapagkailangan, at upang alisin ang katuwiran ng dukha ng aking bayan, upang ang mga babaing bao ay maging kanilang samsam, at upang kanilang gawing kanilang huli ang mga ulila! 3 At ano ang inyong gagawin sa araw ng pagdalaw, at sa kagibaan na manggagaling sa malayo? sa kanino kayo magsisitakas upang kayo'y tulungan? at saan ninyo iiwan ang inyong kaluwalhatian? 4 Sila'y magsisiyukod na gaya ng mga bilanggo, at mangabubuwal sa bunton ng mga patay. Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.