8 Kung iyong nakikita ang kapighatian ng dukha, at ang karahasang pagaalis ng kahatulan at kaganapan sa isang lalawigan, huwag mong kamanghaan ang bagay: sapagka't ang lalong mataas kay sa mataas ay nagmamasid; at may lalong mataas kay sa kanila. 9 Bukod dito, ay sa lahat ang pakinabang sa lupa: ang hari man ay pinaglilingkuran ng bukid.
10 Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak; o siya mang umiibig sa kasaganaan ng pakinabang: ito man ay walang kabuluhan. 11 Pagka ang mga pag-aari ay nagsisidami, ay nagsisidami silang nagsisikain ng mga yaon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyaon, kundi ang mamasdan ng kaniyang mga mata? 12 Ang tulog ng manggagawang tao ay mahimbing, maging siya'y kumain ng kaunti o marami: nguni't ang kasaganaan ng yaman ay hindi magpapatulog sa kaniya.
13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw, ito nga, ang mga yamang iningatan ng may-ari niyaon sa kapahamakan niya. 14 At ang mga yamang yaon ay nawawala ng masamang pangyayari; at kung siya'y magkaanak ng lalake, walang maiiwan sa kaniyang kamay. 15 Kung paanong siya'y lumabas sa bahay-bata ng kaniyang ina, hubad na yayaon siya uli na gaya ng siya'y dumating, at hindi magdadala ng anoman sa kaniyang nagawa, na kaniyang madadala sa kaniyang kamay. 16 At ito man ay malubhang kasamaan, na kung paano siya dumating ay gayon siya yayaon: at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa sa hangin? 17 Lahat ng mga araw naman niya ay ikinakain niya sa kadiliman, at siya'y totoong nayayamot, at may sakit at pag-iinit.
18 Narito, na aking nakita na mabuti at ukol sa isa ang kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa na kaniyang ginawa sa ilalim ng araw lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay na ibinigay sa kaniya ng Dios: sapagka't ito'y kaniyang bahagi. 19 Bawa't tao rin naman na binigyan ng Dios ng mga kayamanan at mga pag-aari, at binigyan ng kapangyarihan na kumain niyaon, at kumuha ng kaniyang bahagi, at magalak sa kaniyang gawa, ito'y kaloob ng Dios. 20 Sapagka't hindi niya aalalahaning lubha ang mga kaarawan ng kaniyang buhay; sapagka't sinasagot siya ng Dios sa kagalakan ng kaniyang puso.
1 May kasamaan na nakita ako sa ilalim ng araw, at mabigat sa mga tao: 2 Ang tao na binibigyan ng Dios ng mga kayamanan, pag-aari, at karangalan, na anopa't walang kulang sa kaniyang kaluluwa sa lahat niyang ninanasa, gayon ma'y hindi binibigyan siya ng Dios ng kapangyarihan na kumain niyaon, kundi iba ang kumakain niyaon; ito'y walang kabuluhan, at masamang sakit. 3 Kung ang isang tao ay magkaanak ng isang daan, at mabuhay na maraming taon, na anopa't ang mga kaarawan ng kaniyang mga taon ay dumami, nguni't ang kaniyang kaluluwa ay hindi mabusog ng mabuti, at bukod dito ay wala siyang pangpalibing; aking sinasabing maigi ang isang naagas kay sa kaniya: 4 Sapagka't dumarating na walang kabuluhan, at yumayaon sa kadiliman, at ang pangalan niyaon ay natatakpan ng kadiliman; 5 Bukod dito ay hindi nakita ang araw o nakilala man; ito'y may kapahingahang maigi kay sa isa; 6 Oo, bagaman siya'y mabuhay na isang libong taon na makalawang masaysay, at hindi man nagalak na mabuti: hindi ba nagsisiyaon ang lahat sa iisang dako?
7 Lahat ng gawa ng tao ay para sa kaniyang bibig, at gayon ma'y ang panglasa ay hindi nasisiyahan. 8 Sapagka't anong pakinabang mayroon ang pantas na higit sa mangmang? o anong pakinabang mayroon ang dukha na maalam lumakad sa harap ng mga buhay? 9 Maigi ang paningin ng mga mata kay sa pagdidilidili; ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
10 Anomang nangyari, ang pangalan niyaon ay natawag nang malaon, at kilala na siya'y tao: ni hindi maaaring makipagtalo siya sa lalong makapangyarihan kay sa kaniya. 11 Yamang maraming bagay na nangagdaragdag ng walang kabuluhan, ano ang lalong ikinaigi ng tao? 12 Sapagka't sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao sa kaniyang buhay, lahat ng mga kaarawan ng kaniyang walang kabuluhang buhay na kaniyang ginugol na gaya ng anino? sapagka't sinong makapagsasaysay sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?