20 Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina: 21 Ikintal mong lagi sa iyong puso, itali mo sa iyong leeg. 22 Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo. 23 Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay: 24 Upang ingatan ka sa masamang babae, Sa tabil ng dila ng di kilala. 25 Huwag mong pitahin ang kaniyang kagandahan sa iyong puso; at huwag ka mang hulihin niya ng kaniyang mga talukap-mata. 26 Sapagka't dahil sa isang masamang babae ay walang naiiwan sa lalake kundi isang putol na tinapay: at hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay. 27 Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan, at hindi masusunog ang kaniyang mga suot? 28 O makalalakad ba ang sinoman sa mga mainit na baga, at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso? 29 Gayon ang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa; sinomang humipo ay hindi maaaring di parusahan. 30 Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kung siya'y nagnanakaw, upang busugin siya pagka siya'y gutom: 31 Nguni't kung siya'y masumpungan, isasauli niyang makapito; kaniyang ibibigay ang lahat na laman ng kaniyang bahay. 32 Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait: ang gumagawa niyaon ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa. 33 Mga sugat at kasiraang puri ang tatamuhin niya; at ang kaniyang kapintasan ay hindi mapapawi. 34 Sapagka't ang paninibugho ay pagiinit ng tao; at hindi siya magpapatawad sa kaarawan ng panghihiganti. 35 Hindi niya pakukundanganan ang anomang tubos; ni magpapahinga man siyang tuwa, bagaman ikaw ay magbigay ng maraming suhol.