1 Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking unawa: 2 Upang makapagingat ka ng kabaitan, at upang ang iyong mga labi ay makapagingat ng kaalaman. 3 Sapagka't ang mga labi ng masamang babae ay tumutulo ng pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kay sa langis: 4 Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapait kay sa ahenho, matalas na parang tabak na may talim sa magkabila. 5 Ang kaniyang mga paa ay nagsisibaba sa kamatayan; ang kaniyang mga hakbang ay nagsisihawak sa Sheol; 6 Na anopa't hindi niya nasusumpungan ang kapanatagan ng landas ng buhay; ang kaniyang mga lakad ay hindi panatag, at hindi niya nalalaman.
7 Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at huwag kayong magsihiwalay sa mga salita ng aking bibig. 8 Ilayo mo ang iyong lakad sa kaniya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay: 9 Baka mo ibigay ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga mabagsik: 10 Baka ang mga di kilalang babae ay mapuno ng iyong kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid; 11 At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw, 12 At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway: 13 Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin! 14 Ako'y malapit sa lahat ng kasamaan sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.
15 Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa nagsisiagos na tubig sa iyong sariling balon. 16 Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, at mga agos ng tubig sa mga lansangan? 17 Maging iyong magisa, at huwag sa di kilala na kasama mo. 18 Pagpalain ang iyong bukal; at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan. 19 Gaya ng maibiging usa at ng masayang usang babae, bigyan kang katiwasayan ng kaniyang dibdib sa buong panahon; at laging malugod ka sa kaniyang pagibig. 20 Sapagka't bakit ka malulugod, anak ko, sa ibang babae, at yayakap sa sinapupunan ng di kilala? 21 Sapagka't ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon, at kaniyang pinapatag ang lahat niyang mga landas. 22 Ang sarili niyang mga kasamaan ay kukuha sa masama. At siya'y matatalian ng mga panali ng kaniyang kasalanan. 23 Siya'y mamamatay sa kakulangan ng turo; at sa kadahilanan ng kaniyang pagkaulol ay maliligaw siya.