Let the Redeemed of the Lord Say So

Psalm 107

1 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. 2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon, na kaniyang tinubos sa kamay ng kaaway; 3 At mga pinisan mula sa mga lupain, mula sa silanganan, at mula sa kalunuran, mula sa hilagaan at mula sa timugan.

4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa ulilang landas; sila'y hindi nakasumpong ng bayang tahanan. 5 Gutom at uhaw, ang kanilang kaluluwa'y nanglupaypay sa kanila. 6 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. 7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan, upang sila'y magsiyaon sa bayang tahanan. 8 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao! 9 Sapagka't kaniyang binigyang kasiyahan ang nananabik na kaluluwa, at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng kabutihan.

10 Ang gayong tumatahan sa kadiliman, at sa lilim ng kamatayan, na natatali sa dalamhati at pangaw; 11 Sapagka't sila'y nanghimagsik laban sa mga salita ng Dios, at hinamak ang payo ng Kataastaasan: 12 Kaya't kaniyang ibinaba ang kanilang puso na may hirap; sila'y nangabuwal, at walang sumaklolo. 13 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. 14 Inilabas niya sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at pinatid ang kanilang mga tali. 15 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao! 16 Sapagka't kaniyang sinira ang mga pintuang-bayan na tanso, at pinutol ang mga halang na bakal.

17 Mga mangmang dahil sa kanilang mga pagsalangsang, at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nadadalamhati. 18 Kinayayamutan ng kanilang kaluluwa ang sarisaring pagkain; at sila'y nagsisilapit sa mga pintuan ng kamatayan, 19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. 20 Sinugo niya ang kaniyang salita, at pinagaling sila, at iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak. 21 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao! 22 At mangaghandog sila ng mga hain na pasalamat, at ipahayag ang kaniyang mga gawa na may awitan.

23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyan, na nangangalakal sa mga malawak na tubig; 24 Ang mga ito'y nangakakakita ng mga gawa ng Panginoon, at ng kaniyang mga kababalaghan sa kalaliman. 25 Sapagka't siya'y naguutos, at nagpapaunos, na nagbabangon ng mga alon niyaon. 26 Nagsisitaas sa mga langit, nagsisibaba uli sa mga kalaliman: ang kanilang kaluluwa ay natutunaw dahil sa kabagabagan. 27 Sila'y hahampashampas na paroo't parito, at gigiraygiray na parang lasing, at ang kanilang karunungan ay nawala. 28 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at inilabas niya sila sa kanilang kahirapan. 29 Kaniyang pinahihimpil ang bagyo, na anopa't ang mga alon niyaon ay nagsisitahimik. 30 Nang magkagayo'y natutuwa sila, dahil sa sila'y tiwasay. Sa gayo'y kaniyang dinadala sila sa daongang kanilang ibigin. 31 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao! 32 Ibunyi rin naman nila siya sa kapulungan ng bayan, at purihin siya sa upuan ng mga matanda.

33 Kaniyang pinapagiging ilang ang mga ilog, at uhaw na lupa ang mga bukal: 34 Na maalat na ilang ang mainam na lupain, dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon. 35 Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang, at mga bukal ang tuyong lupain. 36 At kaniyang pinatatahan doon ang gutom, upang makapaghanda sila ng bayang tahanan; 37 At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan, at magtamo ng mga bunga na pakinabang. 38 Kaniya namang pinagpapala sila, na anopa't sila'y lubhang nagsisidami; at hindi tinitiis na ang kanilang kawan ay magkulang.

39 Muli, sila'y nakulangan at nahapay sa kapighatian, kabagabagan, at kahirapan. 40 Kaniyang ibinubugso ang kadustaan sa mga pangulo, at kaniyang pinagagala sila sa ilang na walang lansangan. 41 Gayon ma'y iniuupo niya sa mataas ang mapagkailangan mula sa kadalamhatian, at ginagawan siya ng mga angkan na parang kawan. 42 Makikita ng matuwid, at matutuwa; at titikumin ng lahat ng kasamaan ang kaniyang bibig.

43 Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.

Next Book Next Book