1 Oh Panginoon, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, sumilang ka. 2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa: ibigay mo sa palalo ang panghihiganti sa kanila. 3 Panginoon, hanggang kailan ang masama, hanggang kailan magtatagumpay ang masama? 4 Sila'y dumadaldal, sila'y nagsasalita na may kapalaluan: lahat na manggagawa ng kasamaan ay nangagmamalaki. 5 Kanilang pinagwawaraywaray ang iyong bayan, Oh Panginoon, at dinadalamhati ang iyong mana. 6 Kanilang pinapatay ang bao at ang taga ibang lupa, at pinapatay ang ulila. 7 At kanilang sinasabi, ang Panginoo'y hindi makakakita, ni pakukundanganan man ng Dios ni Jacob ito.
8 Gunitain ninyo, ninyong mga hangal sa gitna ng bayan: at ninyong mga mangmang, kailan tayo magiging pantas? 9 Siyang lumikha ng pakinig, hindi ba siya makakarinig? Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita? 10 Siyang nagpaparusa sa mga bansa, hindi ba siya sasaway, sa makatuwid baga'y siyang nagtuturo sa tao ng kaalaman? 11 Nalalaman ng Panginoon ang mga pagiisip ng tao, na sila'y pawang walang kabuluhan.
12 Mapalad ang tao na iyong pinarurusahan, Oh Panginoon, at tinuturuan mo sa iyong kautusan. 13 Upang iyong mabigyan ng kapahingahan sa mga kaarawan ng kasakunaan, hanggang sa mahukay ang hukay na ukol sa masama. 14 Sapagka't hindi itatakuwil ng Panginoon ang kaniyang bayan, ni pababayaan man niya ang kaniyang mana. 15 Sapagka't kahatulan ay babalik sa katuwiran: at susundan ng lahat na matuwid sa puso.
16 Sino ang babangon dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan? Sinong tatayo dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan? 17 Kundi ang Panginoon ay naging aking katulong, ang kaluluwa ko'y tumahang madali sana sa katahimikan. 18 Nang aking sabihin, Ang aking paa ay natitisod; inalalayan ako ng iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon. 19 Sa karamihan ng aking mga pagiisip sa loob ko ang iyong mga pagaliw ay nagbibigay lugod sa aking kaluluwa. 20 Makikisama ba sa iyo ang luklukan ng kasamaan, na nagaanyo ng pagapi sa pamamagitan ng palatuntunan? 21 Sila'y nagpipisan laban sa kaluluwa ng matuwid, at pinarusahan nila ang walang salang dugo. 22 Nguni't ang Panginoon ay naging aking matayog na moog; at ang Dios ko'y malaking bato na aking kanlungan. 23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan, at ihihiwalay niya sila sa kanilang sariling kasamaan; ihihiwalay sila ng Panginoon naming Dios.