1 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. 2 At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon, 3 At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.
4 At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon. 5 Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli. 6 Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.
7 At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan, 8 At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. 9 At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok. 10 At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.
11 At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. 12 At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. 13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa. 14 At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy. 15 At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.