1 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa santuario, na nagsasabi sa pitong anghel, Humayo kayo, at ibuhos ninyo ang pitong mangkok ng kagalitan ng Dios sa lupa.
2 At humayo ang una, at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa; at naging sugat na masama at mabigat sa mga taong may tanda ng hayop na yaon, at nangagsisamba sa kaniyang larawan.
3 At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat; at naging dugo na gaya ng isang patay; at bawa't kaluluwang may buhay, sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay.
4 At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at nangaging dugo.
5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol ka na gayon; 6 Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa kanila.
7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi, Oo, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol.
8 At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao. 9 At nangasunog ang mga tao sa matinding init: at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin.
10 At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap, 11 At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa.
12 At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw. 13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka: 14 Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat. 15 (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.) 16 At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.
17 At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, Nagawa na: 18 At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot. 19 At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan. 20 At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok ay hindi nangasumpungan. 21 At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki.