1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinomang lalake o babae ay gagawa ng isang tanging panata, ng panata ng isang Nazareo, upang tumalaga sa Panginoon: 3 Ay hihiwalay siya sa alak at sa matapang na inumin; siya'y hindi iinom ng suka ng alak, o tubang nakalalasing, ni iinom man ng anomang katas na galing sa ubas o kakain man ng sariwang ubas o pasas. 4 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay hindi siya kakain ng anomang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
5 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kaniyang ulo: hanggang sa matupad ang mga araw na kaniyang itinalaga sa Panginoon, ay magpapakabanal siya; kaniyang pababayaang humaba ang buhok ng kaniyang ulo.
6 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga sa Panginoon, ay huwag siyang lalapit sa patay na katawan. 7 Siya'y huwag magpapakarumi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, o sa kaniyang kapatid na lalake, o babae, pagka sila'y namatay: sapagka't ang pagtalaga niya sa Dios, ay sumasa kaniyang ulo. 8 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga, ay banal siya sa Panginoon.
9 At kung ang sinoman ay biglang mamatay sa kaniyang siping, at mahawa ang ulo ng kaniyang pagkatalaga: ay aahitan nga niya ang kaniyang ulo sa araw ng paglilinis, sa ikapitong araw ay aahitan niya ito. 10 At sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batobato o dalawang inakay ng kalapati sa saserdote, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 11 At ihahandog ng saserdote ang isa na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ang isa'y pinakahandog na susunugin at itutubos sa kaniya, sapagka't siya'y nagkasala dahil sa patay, at babanalin ang kaniyang ulo sa araw ding yaon. 12 At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga, at siya'y magdadala ng isang korderong lalake ng unang taon na pinakahandog dahil sa pagkakasala: datapuwa't ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagka't ang kaniyang pagkatalaga ay nadumhan.
13 At ito ang kautusan tungkol sa Nazareo, pagka natupad na ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga: siya'y dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan; 14 At kaniyang ihahandog ang kaniyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, na pinakahandog na susunugin, at isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan at isang tupang lalake na walang kapintasan na pinakahandog tungkol sa kapayapaan, 15 At isang bakol na tinapay na walang lebadura, mga munting tinapay ng mainam na harina na hinaluan ng langis at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang handog na harina niyaon at ang mga handog na inumin niyaon. 16 At ihaharap ng saserdote yaon sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kaniyang handog dahil sa kasalanan at ang kaniyang handog na susunugin: 17 At kaniyang ihahandog sa Panginoon ang tupang lalake na pinaka-hain na handog tungkol sa kapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang lebadura: ihahandog din ng saserdote ang handog na harina niyaon at ang handog na inumin niyaon. 18 At ang Nazareo ay magaahit ng ulo sa kaniyang pagkatalaga sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan at kaniyang dadamputin ang buhok ng ulo ng kaniyang pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng hain na handog tungkol sa kapayapaan. 19 At kukunin ng saserdote ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang lebadura sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang lebadura, at ilalagay sa mga kamay ng Nazareo, pagkatapos na makapagahit ng ulo ng kaniyang pagkatalaga: 20 At aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa saserdote, pati ng dibdib na inalog at ng hitang itinaas; at pagkatapos nito'y ang Nazareo ay makaiinom ng alak.
21 Ito ang kautusan tungkol sa Nazareo na nagpanata, at tungkol sa kaniyang alay sa Panginoon dahil sa kaniyang pagtalaga, bukod pa sa aabutin ng kaniyang mga kaya: ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata, ay gayon niya dapat gagawin, ayon sa kautusan tungkol sa kaniyang pagkatalaga.
22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 23 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sasabihin, Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; inyong sasabihin sa kanila:
24 Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka: 25 Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo: 26 Ilingap nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel; at aking pagpapalain sila.