1 At sinalita ni Moises sa mga pangulo ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon. 2 Pagka ang isang lalake ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kaniyang kaluluwa sa isang gampanin, ay huwag niyang sisirain ang kaniyang salita, kaniyang gaganapin ayon sa lahat ng binuka ng kaniyang bibig.
3 Pagka ang isang babae naman ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, at itinali ang kaniyang sarili sa isang gampanin, sa bahay ng kaniyang ama, sa kaniyang kadalagahan; 4 At narinig ng kaniyang ama ang kaniyang panata, at ang kaniyang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa, at ang kaniyang ama ay hindi umimik sa kaniya: ay lahat nga niyang panata ay magkakabisa, at ang bawa't tali na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa. 5 Nguni't kung sawayin siya ng kaniyang ama sa araw na marinig; alin man sa kaniyang panata, o sa kaniyang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay hindi magkabisa: at patatawarin siya ng Panginoon, sapagka't sinaway siya ng kaniyang ama.
6 At kung siya'y may asawa at magpanata o magbitiw na walang dilidili sa kaniyang labi ng anomang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa; 7 At marinig ng kaniyang asawa, at hindi umimik sa kaniya sa araw na marinig yaon: ay magkakabisa nga ang kaniyang mga panata, at ang kaniyang mga gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa. 8 Nguni't kung sawayin siya ng kaniyang asawa sa araw na marinig yaon; ay mawawalan ng kabuluhan ang kaniyang panata na itinali niya sa kaniya at ang nabitawang pangako ng kaniyang mga labi na ipinanali niya sa kaniyang kaluluwa: at patatawarin siya ng Panginoon. 9 Nguni't ang panata ng isang babaing bao, o ng isang hiniwalayan ng asawa, ay magkakabisa sa bawa't bagay na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa. 10 At kung siya'y nagpanata sa bahay ng kaniyang asawa, o kaniyang tinalian ang kaniyang kaluluwa ng isang gampanin na kaakbay ng isang sumpa, 11 At narinig ng kaniyang asawa, at hindi umimik sa kaniya, at hindi sinaway siya; ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawa't gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa. 12 Nguni't kung niwalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa sa araw na marinig, ay hindi magkakabisa ang anomang bagay na binitiwan ng kaniyang mga labi tungkol sa kaniyang mga panata o tungkol sa tali ng kaniyang kaluluwa: niwalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa; at patatawarin siya ng Panginoon. 13 Bawa't panata o bawa't gampaning inakbayan ng sumpa, na makapagpapadalamhati ng kaluluwa, ay mabibigyang bisa ng kaniyang asawa, o mapawawalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa. 14 Nguni't kung ang kaniyang asawa ay hindi umimik sa kaniya sa araw-araw; ay binigyan nga ng bisa ang lahat niyang panata, o ang lahat niyang gampaning taglay niya: kaniyang binigyan bisa, sapagka't hindi umimik nang araw na kaniyang marinig. 15 Nguni't kung kaniyang pawawalan ng kabuluhan pagkatapos na kaniyang marinig, ay tataglayin nga niya ang kasamaan ng kaniyang asawa.
16 Ito ang mga palatuntunan na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa magasawa at sa magama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kaniyang ama.