1 Sa aba ko! sapagka't ako'y gaya ng kanilang pisanin ang mga bunga sa taginit, gaya ng mga pamumulot ng ubas sa ubasan: walang kumpol na makain; ako'y nananabik sa unang bunga ng igos. 2 Ang mabuting tao ay namatay sa lupa, at wala nang matuwid sa mga tao: silang lahat ay nagsisibakay upang magbubo ng dugo; hinuhuli ng bawa't isa ang kaniyang kapatid sa pamamagitan ng silo. 3 Ang kanilang mga kamay ay nangasa kasamaan upang sikaping isagawa; ang prinsipe ay humihingi, at ang hukom ay maagap sa suhol; at ang dakilang tao ay nangagsasalita ng masamang hangad ng kaniyang kaluluwa: ganito nila nilalala. 4 Ang pinakamahusay sa kanila ay parang dawag; ang pinakamatuwid ay masama kay sa isang bakod na tinikan: ang araw ng inihula sa iyo ng mga bantay, sa makatuwid baga'y ang araw ng pagdalaw sa iyo, ay dumating; ngayo'y mangatitigilan sila. 5 Huwag kayong magsitiwala sa kalapit bahay; huwag kayong magkatiwala sa kaibigan; ingatan mo ang mga pinto ng inyong bibig sa kaniya na humihiga sa inyong sinapupunan. 6 Sapagka't sinisiraang puri ng anak na lalake ang ama, ang anak na babae ay tumitindig laban sa kaniyang ina, ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae; ang mga kaaway ng tao ay ang kaniyang sariling kasangbahay. 7 Nguni't sa ganang akin, ako'y titingin sa Panginoon; ako'y maghihintay sa Dios ng aking kaligtasan: didinggin ako ng aking Dios.
8 Huwag kang magalak laban sa akin, Oh aking kaaway: pagka ako'y nabuwal, ako'y babangon; pagka ako'y naupo sa kadiliman, ang Panginoo'y magiging ilaw sa akin. 9 Aking babatahin ang kagalitan ng Panginoon, sapagka't ako'y nagkasala laban sa kaniya, hanggang sa kaniyang ipagsanggalang ang aking usap, at lapatan ako ng kahatulan: kaniyang ilalabas ako sa liwanag, at aking mamasdan ang kaniyang katuwiran. 10 Kung magkagayo'y makikita ng aking kaaway, at kahihiyan ang tatakip sa kaniya, na nagsabi sa akin, Saan nandoon ang Panginoon mong Dios? Makikita ng aking mga mata ang nais ko sa kaniya; siya nga'y yayapakan na parang putik sa mga lansangan.
11 Kaarawan ng pagtatayo ng iyong mga kuta! sa kaarawang yaon ay malalayo ang pasiya. 12 Sa kaarawang yaon ay magsisiparoon sila sa iyo mula sa Asiria at sa mga bayan ng Egipto, at mula sa Egipto hanggang sa ilog, at mula sa dagat at dagat, at sa bundok at bundok. 13 Gayon ma'y masisira ang lupain dahil sa kanila na nagsisitahan doon, dahil sa bunga ng kanilang mga gawa.
14 Pakanin mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong tungkod, ang kawan na iyong mana, na tumatahang magisa, sa gubat sa gitna ng Carmelo: pakanin mo sila sa Basan at sa Galaad, gaya ng mga araw nang una. 15 Gaya ng mga araw ng iyong paglabas sa lupain ng Egipto ay aking pagpapakitaan sila ng mga kagilagilalas na bagay. 16 Makikita ng mga bansa, at mangapapahiya sa buo nilang kapangyarihan; kanilang ilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ang kanilang mga pakinig ay mabibingi. 17 Sila'y magsisihimod sa alabok na parang ahas; parang nagsisiusad na hayop sa lupa sila'y magsisilabas na nagsisipanginig mula sa kanilang mga kulungan; sila'y magsisilapit na may takot sa Panginoon nating Dios, at mangatatakot dahil sa iyo.
18 Sino ang Dios na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan, at pinalalagpas ang pagsalansang ng nalabi sa kaniyang mana? hindi niya pinipigil ang kaniyang galit ng magpakailan man, sapagka't siya'y nalulugod sa kagandahang-loob. 19 Siya'y muling magtataglay ng habag sa atin; kaniyang yayapakan ang ating kasamaan: at kaniyang ihahagis ang lahat nilang kasalanan sa mga kalaliman ng dagat. 20 Iyong isasagawa ang katotohanan kay Jacob, at ang kagandahang-loob kay Abraham, na iyong isinumpa sa aming mga magulang mula sa mga araw nang una.