1 At ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa pagkakasala: bagay ngang kabanalbanalan. 2 Sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa pagkakasala: at ang dugo niyao'y iwiwisik niya sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot. 3 At siya'y maghahandog niyaon ng lahat ng taba niyaon; ang buntot na mataba at ang tabang nakatatakip sa lamang loob, 4 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga yaon, ang nasa siping ng mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay kaniyang aalisin na kalakip ng mga bato: 5 At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana na pinakahandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; handog nga dahil sa pagkakasala. 6 Bawa't lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon; sa dakong banal kakanin yaon: bagay ngang kabanalbanalan. 7 Kung paano ang handog dahil sa kasalanan ay gayon ang handog dahil sa pagkakasala: ang dalawa'y may isang kautusan: mapapasa saserdoteng tumutubos. 8 At ang saserdoteng naghahandog ng handog na susunugin ng sinomang tao, ay siyang magtatangkilik ng balat ng handog na susunugin na inihandog. 9 At bawa't handog na harina na niluto sa hurno, at yaong lahat na pinagyaman sa kawaling bakal at sa kawaling lupa, ay mapapasa saserdote na naghahandog. 10 At bawa't handog na harina na hinaluan ng langis o tuyo, ay mapapasa lahat ng anak ni Aaron; sa isa na gaya sa iba.
11 At ito ang kautusan hinggil sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na ihahandog sa Panginoon: 12 Kung ihahandog niya na pinaka pasalamat, ay ihahandog nga niyang kalakip ng haing pasalamat ang mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at ang mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang mainam na harina na munting tinapay na hinaluan ng langis. 13 Kalakip ng munting tinapay na walang lebadura kaniyang ihahandog ang alay niya, na kalakip ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat. 14 At maghahandog ng isa niyaon na kaakbay ng bawa't alay na pinakahandog na itinaas sa Panginoon; mapapasa saserdoteng magwiwisik ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan. 15 At ang laman ng hain na kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat ay kakanin sa kaarawan ng kaniyang pagaalay; siya'y hindi magtitira niyaon ng hanggang sa umaga. 16 Nguni't kung ang hain ng kaniyang alay ay sa pagtupad ng isang panata, o kusang handog, ay kaniyang makakain sa araw na kaniyang ihandog ang kaniyang hain: at sa kinaumagahan man ay kaniyang makakain ang labis: 17 Datapuwa't ang lumabis sa laman ng hain hanggang sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy. 18 At kung kanin sa ikatlong araw ang anomang bahagi ng laman ng haing kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay hindi tatanggapin, at hindi man maipatutungkol doon sa naghahandog niyaon: aariing kasuklamsuklam, at ang taong kumain niyaon ay magtataglay ng kaniyang kasamaan.
19 At ang lamang masagi sa anomang bagay na karumaldumal ay hindi kakanin; yao'y susunugin sa apoy. At tungkol sa lamang hindi nahawa, lahat ng taong malinis ay makakakain niyaon. 20 Nguni't ang taong kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, na taglay niya ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan. 21 At pagka ang sinoman ay nakahipo ng anomang maruming bagay, ng dumi ng tao, o ng hayop na karumaldumal, o ng alin mang kasuklamsuklam, at kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.
22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 23 Iyong salitain sa mga anak ni Israel, na sabihin, Huwag kayong kakain ng taba ng baka, ng tupa, o ng kambing. 24 At ang taba ng namatay sa kaniyang sarili, at ang taba ng nilapa ng ganid, ay magagamit sa alin mang kagamitan: nguni't sa anomang paraan ay huwag ninyong kakanin. 25 Sapagka't sinomang kumain ng taba ng hayop na yaon na inihahandog ng mga tao sa Panginoon, na handog na pinaraan sa apoy, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong kumain. 26 At huwag kayong kakain sa anomang paraan ng dugo sa lahat ng inyong tahanan, maging sa ibon o sa hayop. 27 Sinomang taong kumain ng alin mang dugo, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong yaon.
28 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 29 Iyong salitain sa mga anak ng Israel na sabihin, Ang naghahandog sa Panginoon ng hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng kaniyang alay sa hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan; 30 Na dadalhin ng kaniyang sariling mga kamay sa Panginoon ang mga handog na pinaraan sa apoy; ang taba pati ng dibdib ay dadalhin niya, upang ang dibdib ay alugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon. 31 At susunugin ng saserdote ang taba sa ibabaw ng dambana: datapuwa't ang dibdib ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak. 32 At ibibigay ninyo sa saserdote na pinakahandog na itinaas, ang hitang kanan sa mga haing inyong mga handog tungkol sa kapayapaan. 33 Yaong sa mga anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan at ng taba, ay mapapasa kaniya ang kanang hita, na pinaka bahagi niya. 34 Sapagka't aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga haing mga handog tungkol sa kapayapaan, ang dibdib na inalog at ang hitang itinaas, at aking ibinigay kay Aaron na saserdote at sa kaniyang mga anak, na karampatang bahagi nila magpakailan man, sa ganang mga anak ni Israel. 35 Ito ang nauukol sa pahid na langis ni Aaron at sa pahid na langis ng kaniyang mga anak, sa mga handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon, sa araw na iniharap sila, upang mangasiwa sa Panginoon sa katungkulang saserdote; 36 Na iniutos ng Panginoon sa kanila'y ibibigay para sa mga anak ni Israel sa araw na kaniyang pinahiran sila. Karampatang bahagi nga nila magpakailan man, sa buong panahon ng kanilang lahi.
37 Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin, sa handog na harina, at sa handog dahil sa kasalanan, at sa handog dahil sa pagkakasala, at sa pagtatalaga, at sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan. 38 Na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang ihandog ang kanilang mga alay sa Panginoon sa ilang ng Sinai.