1 Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo? At sa kanino sa mga banal babalik ka? 2 Sapagka't ang bigat ng loob ay pumapatay sa taong hangal, at ang paninibugho ay pumapatay sa mangmang. 3 Aking nakita ang hangal na umuunlad: nguni't agad kong sinumpa ang kaniyang tahanan. 4 Ang kaniyang mga anak ay malayo sa katiwasayan, at sila'y mangapipisa sa pintuang-bayan, na wala mang magligtas sa kanila. 5 Na ang kaniyang ani ay kinakain ng gutom, at kinukuha na mula sa mga tinik, at ang silo ay nakabuka sa kanilang pag-aari. 6 Sapagka't ang kadalamhatian ay hindi lumalabas sa alabok, ni bumubukal man sa lupa ang kabagabagan; 7 Kundi ang tao ay ipinanganak sa kabagabagan. Gaya ng alipato na umiilanglang sa itaas.
8 Nguni't sa ganang akin, ay hahanapin ko ang Dios, at sa Dios ay aking ihahabilin ang aking usap: 9 Na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at ng mga hindi magunita; ng mga kamanghamanghang bagay na walang bilang: 10 Na siyang nagbibigay ng ulan sa lupa, at nagpapahatid ng tubig sa mga bukid; 11 Na anopa't kaniyang iniuupo sa mataas yaong nangasa mababa; at yaong nagsisitangis ay itinataas sa katiwasayan. 12 Kaniyang sinasayang ang mga katha-katha ng mapagkatha, na anopa't hindi maisagawa ng kanilang mga kamay ang kanilang panukala. 13 Kaniyang hinuhuli ang pantas sa kanilang sariling katha: at ang payo ng suwail ay napapariwara. 14 Kanilang nasasalunuan ang kadiliman sa araw, at nagsisikapa sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi. 15 Nguni't kaniyang inililigtas sa tabak ng kanilang bibig, sa makatuwid baga'y ang maralita sa kamay ng malakas. 16 Na anopa't ang dukha ay may pagasa, at ang kasamaan ay nagtitikom ng kaniyang bibig.
17 Narito, maginhawa ang tao na sinasaway ng Dios: kaya't huwag mong waling kabuluhan ang pagsaway ng Makapangyarihan sa lahat. 18 Sapagka't siya'y sumusugat, at nagtatapal; siya'y sumusugat, at pinagagaling ng kaniyang mga kamay. 19 Kaniyang ililigtas ka sa anim na kabagabagan. Oo, sa pito, ay walang kasamaang kikilos sa iyo. 20 Sa kagutom ay tutubusin ka niya sa kamatayan; at sa pagdidigma ay sa kapangyarihan ng tabak. 21 Ikaw ay makukubli sa talas ng dila; na hindi ka man matatakot sa paggiba pagka dumarating. 22 Sa kagibaan at sa kasalatan ay tatawa ka; ni hindi ka matatakot sa mga ganid sa lupa. 23 Sapagka't ikaw ay makakasundo ng mga bato sa parang; at ang mga ganid sa parang ay makikipagpayapaan sa iyo. 24 At iyong makikilala na ang iyong tolda ay nasa kapayapaan; at iyong dadalawin ang iyong kulungan, at walang mawawala na anoman. 25 Iyo rin namang makikilala na ang iyong binhi ay magiging dakila, at ang iyong lahi ay gaya ng damo sa lupa. 26 Ikaw ay darating sa iyong libingan sa lubos na katandaan. Gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa kaniyang kapanahunan. 27 Narito, aming siniyasat, at gayon nga; dinggin mo, at talastasin mo sa iyong ikabubuti.