1 Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipoipo, at nagsabi,
2 Sino ito na nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salita na walang kaalaman? 3 Bigkisan mo ngayon ang iyong mga balakang na parang lalake: sapagka't tatanungin kita at magpapahayag ka sa akin.
4 Saan ka nandoon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? Ipahayag mo, kung mayroon kang unawa. 5 Sinong naglagay ng mga sukat niyaon, kung iyong nalalaman? O sinong nagunat ng panukat diyan? 6 Sa ano nalagay ang kaniyang mga patibayan? O sinong naglagay ng batong panulok niyaon; 7 Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga. At ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan?
8 O sinong nagsara ng mga pinto sa dagat, nang magpumiglas na gaya ng pagpiglas mula sa bahay-bata? 9 Nang gawin ko ang alapaap na bihisan niyaon, at ang salimuot na kadiliman na pinakabalot niyaon, 10 At aking itinatag doon ang aking pasiya, at nilagyan ko ng mga halang at mga pinto, 11 At aking sinabi, Hanggang dito ay darating ka, nguni't hindi ka na lalagpas: at dito'y titigil ang iyong mga palalong alon?
12 Nagutos ka ba sa umaga mula sa iyong mga kaarawan, at ipinabatid mo ba sa bukang liwayway ang kaniyang dako; 13 Upang humawak sa mga wakas ng lupa, at ang masasama ay maugoy doon? 14 Nababagong parang putik sa ilalim ng tatak; at lahat ng mga bagay ay nagiging gaya ng bihisan: 15 At sa masama ay inalis ang kanilang liwanag, at ang mataas na kamay ay mababali.
16 Pumasok ka ba sa mga bukal ng dagat? O lumakad ka ba sa mga landas ng kalaliman? 17 Nangahayag ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan? O nakita mo ba ang mga pinto ng anino ng kamatayan? 18 Iyo bang nabatid ang kaluwangan ng lupa? Ipahayag mo, kung iyong nalalamang lahat.
19 Saan nandoon ang daan na patungo sa tahanan ng liwanag, at tungkol sa kadiliman, saan nandoon ang dako niyaon; 20 Upang iyong madala sa hangganan niyaon, at upang iyong gunitain ang mga landas hanggang sa bahay niyaon? 21 Marahil nalalaman mo, sapagka't ikaw nga'y ipinanganak noon, at ang bilang ng iyong mga kaarawan ay marami?
22 Pumasok ka ba sa mga tipunan ng nieve, o nakita mo ba ang mga tipunan ng granizo, 23 Na aking itinaan laban sa panahon ng kabagabagan, laban sa kaarawan ng pagbabaka at pagdidigma? 24 Sa aling daan naghiwalay ang liwanag, o sa hanging silanganan na lumalaganap sa ibabaw ng lupa?
25 Sinong humukay ng bangbang sa mga bugso ng tubig, o ng daanan ng kidlat ng kulog; 26 Upang magpaulan sa lupa, na hindi tinatahanan ng tao, sa ilang na doon ay walang tao. 27 Upang busugin ang giba at sirang lupa; at upang pasibulin ang sariwang damo?
28 May ama ba ang ulan? O sinong nanganak sa mga patak ng hamog? 29 Sa kaninong bahay-bata nagmula ang hielo? At ang escarcha sa himpapawid, ay ipinanganak nino? 30 Ang mga tubig ay nakukubling gaya ng bato, at ang ibabaw ng kalaliman ay namumuno.
31 Matatalian mo ba ang pagkakaumpukan ng mga bituin na Pleyade, o makakalagan ang tali ng mga bituin na Orion? 32 Mailalabas mo ba ang mga bituin na mga tanda ng Zodiaco sa kanilang kapanahunan? O mapapatnubayan mo ba ang Oso na kasama ng kaniyang mga anak? 33 Nalalaman mo ba ang mga alituntunin ng langit? Maitatatag mo ba ang kapangyarihan niyaon sa lupa?
34 Mailalakas mo ba ang iyong tinig hanggang sa mga alapaap, upang takpan ka ng saganang tubig? 35 Makapagsusugo ka ba ng mga kidlat, upang magsiyaon, at magsabi sa iyo: Nangarito kami? 36 Sinong naglagay ng karunungan sa mga pinakaloob na bahagi? O sinong nagbigay ng kaalaman sa pagiisip? 37 Sinong makabibilang ng mga alapaap sa pamamagitan ng karunungan? O sinong makatutuyo ng mga botelya ng langit, 38 Pagka ang alabok ay napuputik, at ang mga bugal ay nanganinikit na maigi?
39 Huhuli ka ba ng mahuhuli na ukol sa leong babae? O bubusugin mo baga ang kagutoman ng mga batang leon, 40 Pagka sila'y nagsisihilig sa kanilang mga lungga, at nagsisitahan sa guwang upang bumakay? 41 Sinong naghahanda sa uwak ng pagkain niya, pagka ang kaniyang mga inakay ay nagsisidaing sa Dios, at nagsisigala sa kakulangan ng pagkain.