1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
2 Magpahanggang ngayo'y mapanghimagsik ang aking daing: ang bugbog sa akin ay lalong mabigat kaysa aking hibik. 3 Oh mano nawang maalaman ko kung saan ko masusumpungan siya, upang ako'y dumating hanggang sa kaniyang likmuan! 4 Aking aayusin ang aking usap sa harap niya, at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran. 5 Aking malalaman ang mga salita na kaniyang isasagot sa akin, at matatalastas ko kung ano ang kaniyang sasabihin sa akin. 6 Makikipagtalo ba siya sa akin sa kalakhan ng kaniyang kapangyarihan? Hindi; kundi pakikinggan niya ako. 7 Doo'y makapangangatuwiran sa kaniya ang matuwid; sa gayo'y maliligtas ako magpakailan man sa aking hukom.
8 Narito, ako'y nagpapatuloy, nguni't wala siya; at sa dakong likuran, nguni't hindi ko siya mamataan: 9 Sa kaliwa pagka siya'y gumagawa, nguni't hindi ko mamasdan siya: siya'y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita siya. 10 Nguni't nalalaman niya ang daang aking nilalakaran; pagka kaniyang nasubok ako ay lalabas akong parang ginto. 11 Ang aking paa ay sumunod na lubos sa kaniyang mga hakbang. Ang kaniyang daan ay aking iningatan, at hindi ako lumiko. 12 Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi; aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain. 13 Nguni't siya'y sa isang akala, at sinong makapagpapabalik sa kaniya? At kung ano ang ninanasa ng kaniyang kaluluwa siya nga niyang ginagawa. 14 Sapagka't kaniyang isinasagawa ang itinakda sa akin: at maraming gayong mga bagay ang nasa kaniya. 15 Kaya't ako'y nababagabag sa kaniyang harapan; pagka aking binubulay, ay natatakot ako sa kaniya. 16 Dahil sa pinapanglupaypay ng Dios ang aking puso, at binagabag ako ng Makapangyarihan sa lahat: 17 Sapagka't hindi ako inihiwalay sa harap ng kadiliman, ni tinakpan man niya ang salimuot na kadiliman sa aking mukha.