1 Nang magkagayo'y sumagot si Zophar na Naamathita, at nagsabi,
2 Kaya't nagbibigay sagot sa akin ang aking mga pagiisip, dahil nga sa aking pagmamadali na taglay ko. 3 Aking narinig ang saway na inilalagay ako sa kahihiyan, at ang diwa ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin. 4 Hindi mo ba nalalaman ito ng una, mula nang ang tao'y malagay sa lupa, 5 Na ang pagtatagumpay ng masama ay maikli, at ang kagalakan ng di banal ay sandali lamang? 6 Bagaman ang kaniyang karilagan ay napaiilanglang hanggang sa langit, at ang kaniyang ulo ay umaabot hanggang sa mga alapaap; 7 Gayon may matutunaw siya magpakailan man, na gaya ng kaniyang sariling dumi: silang nangakakita sa kaniya ay mangagsasabi: Nasaan siya? 8 Siya'y mawawala na gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan. Oo, siya'y mawawala na parang pangitain sa gabi. 9 Ang mata na nakakita sa kaniya ay hindi na siya makikita pa; ni mamamalas pa man siya sa kaniyang pook. 10 Hahanapin ng kaniyang mga anak ang lingap ng dukha, at ang kaniyang mga kamay ay magsasauli ng kaniyang kayamanan. 11 Ang kaniyang mga buto ay puspos ng kaniyang kabataan, nguni't hihiga na kasama niya sa alabok.
12 Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kaniyang bibig, bagaman kaniyang itago sa ilalim ng kaniyang dila; 13 Bagaman kaniyang patawarin, at hindi niya ito babayaan, kundi ingatan pa sa loob ng kaniyang bibig; 14 Gayon ma'y ang kaniyang pagkain ay nabago na sa kaniyang tiyan, siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya. 15 Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kaniyang mga isusuka uli: mga aalisin uli ng Dios sa kaniyang tiyan. 16 Kaniyang hihititin ang kamandag ng mga ahas; papatayin siya ng dila ng ulupong. 17 Hindi niya matitingnan ang mga ilog, ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya. 18 Na kaniyang isasauli ang kaniyang pinagpagalan, at hindi lalamunin; ayon sa pag-aari na kaniyang tinangkilik, hindi siya magagalak. 19 Sapagka't kaniyang pinighati at pinabayaan ang dukha; kaniyang kinuhang marahas ang isang bahay; at hindi niya itatayo.
20 Sapagka't hindi siya nakakilala ng katiwasayan sa loob niya, hindi siya makapagliligtas ng anoman sa kaniyang kinaluluguran. 21 Walang bagay na naiwan na hindi niya sinakmal; kaya't ang kaniyang kaginhawahan ay hindi mananatili. 22 Sa lubos niyang kasaganaan ay magigipit siya; ang kamay ng bawa't nasa karalitaan ay darating sa kaniya. 23 Pagka kaniyang bubusugin ang kaniyang tiyan, ihuhulog ng Dios ang kaniyang mabangis na poot sa kaniya. At ibubugso sa kaniya samantalang siya'y kumakain. 24 Kaniyang tatakasan ang sandatang bakal, at ang busog na tanso ay hihilagpos sa kaniya. 25 Binubunot niya ang pana, at lumalabas sa kaniyang katawan: Oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa kaniyang apdo; mga kakilabutan ang sumasa kaniya. 26 Lahat na kadiliman ay nalalagay na mga pinakakayamanan niya; isang apoy na hindi hinipan ng tao ay susupok sa kaniya: susupukin niyaon ang naiwan sa kaniyang tolda. 27 Ihahayag ng mga langit ang kaniyang kasamaan, at ang lupa ay babangon laban sa kaniya. 28 Ang pakinabang ng kaniyang bahay ay yayaon, ang kaniyang mga pag-aari ay huhuho sa kaarawan ng kaniyang kapootan. 29 Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Dios, at ang manang takda sa kaniya ng Dios.