1 Nang magkagayo'y sumagot si Sophar na Naamathita, at nagsabi,
2 Hindi ba sasagutin ang karamihan ng mga salita? At ang lalaking masalita ay aariing ganap? 3 Pamamayapain ba ang mga tao ng iyong mga paghahambog. At kung ikaw ay nanunuya, wala bang hihiya sa iyo? 4 Sapagka't iyong sinasabi, Ang aking aral ay dalisay, at ako'y malinis sa iyong mga mata. 5 Nguni't Oh ang Dios nawa'y magsalita, at bukhin ang kaniyang mga labi laban sa iyo; 6 At ipakilala nawa sa iyo ang mga lihim ng karunungan, pagka't siya ay masagana sa pagkaunawa. Talastasin mo nga na nilalapatan ka ng Dios ng kulang kay sa nauukol sa iyong kasamaan.
7 Masusumpungan mo ba ang Dios sa pagsaliksik? Masusumpungan mo ba sa kasakdalan ang Makapangyarihan sa lahat? 8 Mataas na gaya ng langit; anong iyong magagawa? Malalim kay sa Sheol: anong iyong malalaman? 9 Ang sukat niyao'y mahaba kay sa lupa. At maluwang kay sa dagat. 10 Kung siya'y dumaan at magsara, at tumawag sa kahatulan, sino ngang makapipigil sa kaniya? 11 Sapagka't nakikilala niya ang mga walang kabuluhang tao: Nakikita rin naman niya ang kasamaan, bagaman hindi niya pinapansin. 12 Nguni't ang walang kabuluhang tao ay walang unawa, Oo, ang tao ay ipinanganak na gaya ng anak ng mabangis na asno.
13 Kung iyong ihahanda ang iyong puso, at iuunat mo ang iyong kamay sa kaniya; 14 Kung ang kasamaan ay sumaiyong kamay, ilayo mo, at huwag manahan ang kalikuan sa iyong mga tolda; 15 Walang pagsala ngang iyong itataas ang iyong mukha na walang kapintasan; Oo, ikaw ay matatatag, at hindi matatakot: 16 Sapagka't iyong malilimutan ang iyong karalitaan; iyong aalalahaning parang tubig na umaagos: 17 At ang iyong buhay ay magiging lalong maliwanag kay sa katanghaliang tapat; bagaman magkaroon ng kadiliman, ay magiging gaya ng umaga. 18 At ikaw ay matitiwasay sapagka't may pagasa; Oo, ikaw ay magsiyasat sa palibot mo, at magpapahinga kang tiwasay. 19 Ikaw nama'y hihiga at walang tatakot sa iyo; Oo, maraming liligaw sa iyo. 20 Nguni't ang mga mata ng masama ay mangangalumata, at mawawalan sila ng daang tatakasan, at ang kanilang pagasa ay pagkalagot ng hininga.