1 Si Sedechias ay dalawang pu't isang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga Libna. 2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni Joacim.
3 Sapagka't dahil sa galit ng Panginoon ay nangyari yaon sa Jerusalem at sa Juda, hanggang sa kaniyang napalayas sila sa kaniyang harapan. At si Sedechias ay nanghimagsik laban sa hari sa Babilonia. 4 At nangyari, nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari, nang ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay dumating, siya at ang kaniyang buong hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at sila'y nangagtayo ng mga katibayan laban doon sa palibot. 5 Sa gayo'y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedechias. 6 Nang ikaapat na buwan nang ikasiyam na araw ng buwan, ang kagutom ay mahigpit sa bayan na anopa't walang tinapay para sa bayan ng lupain. 7 Nang magkagayo'y nagkasira sa kuta ng bayan, at lahat ng lalaking mangdidigma ay nagsitakas, at nagsilabas sa bayan nang kinagabihan, sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa tabi ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay naging laban sa bayan sa palibot); at sila'y nagsiyaon sa daan ng Araba. 8 Nguni't hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabot si Sedechias sa mga kapatagan ng Jerico; at ang buo niyang hukbo ay nangalat na napahiwalay sa kaniya. 9 Nang magkagayo'y kanilang hinuli ang hari, at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamath; at siya'y nilapatan niya ng kahatulan. 10 At pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa harap ng kaniyang mga mata: kaniyang pinatay rin ang lahat na prinsipe ng Juda sa Ribla. 11 At kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias; at ginapos siya ng tanikalang tanso ng hari sa Babilonia, at dinala siya sa Babilonia, at inilagay siya sa bilangguan hanggang sa araw ng kaniyang pagkamatay.
12 Nang ikalimang buwan nga sa ikasangpung araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, dumating sa loob ng Jerusalem si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, na tumayo sa harap ng hari sa Babilonia. 13 At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at lahat ng mga bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga'y bawa't malaking bahay, sinunog niya ng apoy. 14 At ang buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng kapitan ng bantay, nagbagsak ng lahat ng kuta sa Jerusalem sa palibot. 15 Nang magkagayo'y dinalang bihag ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, at yaong mga takas, na nagsitakas sa hari sa Babilonia, at ang nalabi sa karamihan. 16 Nguni't nagiwan si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, sa mga dukha sa lupain upang maging mga manguubasan at mga mangbubukid.
17 At ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, ang mga tungtungan, at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, pinagputolputol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat na tanso ng mga yaon sa Babilonia. 18 Ang mga palayok naman, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga mankok, at ang mga kuchara, at lahat na sisidlan na tanso, na kanilang ipinangangasiwa, dinala nila. 19 At ang mga saro, at ang mga apuyan, at ang mga mankok, at ang mga palayok, at ang mga kandelero, at ang mga kuchara, at ang mga tasa, ang ginto sa ginto, at ang pilak sa pilak, dinala ng kapitan ng bantay. 20 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang labing dalawang torong tanso na nangasa ilalim ng mga tungtungan, na ginawa ng haring Salomon na ukol sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng sisidlang ito ay walang timbang. 21 At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labing walong siko; at isang pisi na labing dalawang siko ay naililibid doon; at ang kapal niyao'y apat na daliri: may guwang. 22 At isang kapitel na tanso ay nasa ibabaw niyaon; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot, taganas na tanso: at ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada. 23 At mayroong siyam na pu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isang daan na yaring nilambat sa palibot.
24 At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraias na pangulong saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto: 25 At sa bayan ay kinuha niya ang isang oficial na inilagay niya sa mga lalaking mangdidigma; at pitong lalake sa kanila na nangakakita ng mukha ng hari, na nasumpungan sa bayan; at ang kalihim ng kapitan ng hukbo, na pumipisan ng bayan ng lupain, at anim na pung katao sa bayan ng lupain, na nangasumpungan sa gitna ng bayan. 26 At dinala sila ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla. 27 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at ipinapatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Gayon nadalang bihag ang Juda, mula sa kaniyang lupain.
28 Ito ang bayan na dinalang bihag ni Nabucodonosor nang ikapitong taon, tatlong libo at dalawang pu't tatlong Judio: 29 Nang ikalabingwalong taon ni Nabucodonosor ay nagdala siya ng bihag na mula sa Jerusalem na walong daan at tatlong pu't dalawang tao: 30 Nang ikadalawang pu't tatlong taon ni Nabucodonosor ay nagdala ng bihag sa mga Judio si Nabuzaradan na kapitan ng bantay na pitong daan at apat na pu't limang tao: lahat na tao ay apat na libo at anim na raan.
31 At nangyari, nang ikatatlong pu't pitong taon ng pagkabihag kay Joacim na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawang pu't limang araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang unang taon ng kaniyang paghahari, nagtaas ng ulo ni Joacim na hari sa Juda, at inilabas niya siya sa bilangguan; 32 At siya'y nagsalitang may kagandahang-loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan na lalong mataas kay sa luklukan ng mga hari na kasama niya sa Babilonia. 33 At kaniyang binago ang kaniyang mga damit na pagkabihag. At si Joacim ay laging kumain ng tinapay sa harap niya sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay. 34 At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari sa Babilonia, bawa't araw isang bahagi ng pagkain hanggang sa kaarawan ng kaniyang kamatayan, lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.