1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang langit ay aking luklukan, at ang lupa ay aking tungtungan: anong anyong bahay ang inyong itatayo sa akin? at anong dako ang magiging aking pahingahan? 2 Sapagka't lahat ng mga bagay na ito ay nilikha ng aking kamay, at sa gayo'y nangyari ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon: nguni't ang taong ito ay titingnan ko, sa makatuwid baga'y siyang dukha at may pagsisising loob, at nanginginig sa aking salita.
3 Siyang pumapatay ng baka ay gaya ng pumapatay ng tao; siyang naghahain ng kordero ay gaya ng bumabali ng leeg ng aso; siyang naghahandog ng alay ay gaya ng naghahandog ng dugo ng baboy; siyang nagsusunog ng kamangyan ay gaya ng pumupuri sa isang diosdiosan. Oo, sila'y nagsipili ng kanilang sariling mga lakad, at ang kanilang kaluluwa ay nalulugod sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay; 4 Akin namang pipiliin ang kanilang mga kakutyaan, at dadalhan ko sila ng kanilang takot, sapagka't nang ako'y tumawag, walang sumagot; nang ako'y magsalita ay walang nakinig; kundi sila'y nagsigawa ng masama sa harap ng aking mga mata, at pinili ang hindi ko kinaluluguran.
5 Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, ninyong nanginginig sa kaniyang salita, Ang inyong mga kapatid na nangagtatanim sa inyo na nangagtatakuwil sa inyo dahil sa akin, nangagsabi, Luwalhatiin ang Panginoon, upang makita namin ang inyong kagalakan; nguni't sila'y mangapapahiya.
6 Ang ingay ng kagulo na mula sa bayan, ang tinig na mula sa templo, ang tinig ng Panginoon na naggagawad ng kagantihan sa kaniyang mga kaaway.
7 Bago siya nagdamdam, siya'y nanganak; bago dumating ang kaniyang paghihirap, siya'y nanganak ng isang lalake. 8 Sinong nakarinig ng ganyang bagay? sinong nakakita ng ganyang mga bagay? ipanganganak baga ang lupain sa isang araw? ilalabas bagang paminsan ang isang bansa? sapagka't pagdaramdam ng Sion, ay nanganak ng kaniyang mga anak. 9 Dadalhin ko baga sa kapanganakan, at hindi ko ilalabas? sabi ng Panginoon; magsasara baga ako ng bahay bata, akong nagpapanganak? sabi ng iyong Dios.
10 Kayo'y mangagalak na kasama ng Jerusalem, at mangatuwa dahil sa kaniya, kayong lahat na nagsisiibig sa kaniya: kayo'y mangagalak ng kagalakan na kasama niya, kayong lahat na nagsisitangis dahil sa kaniya: 11 Upang kayo'y makasuso at mabusog sa pamamagitan ng mga suso ng kaniyang mga kaaliwan; upang kayo'y makagatas, at malugod sa kasaganaan ng kaniyang kaluwalhatian.
12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y maggagawad ng kapayapaan sa kaniya na parang isang ilog, at ang kaluwalhatian ng mga bansa ay parang malaking baha, at inyong sususuhin yaon; kayo'y kikilikin, at lilibangin sa mga tuhod. 13 Kung paanong ang sinoma'y inaaliw ng ina gayon ko aaliwin kayo; at kayo'y mangaaliw sa Jerusalem. 14 At inyong makikita, at magagalak ang inyong puso, at ang inyong mga buto ay giginhawang parang sariwang damo: at ang kamay ng Panginoon ay makikilala sa kaniyang mga lingkod, at siya'y magagalit laban sa kaniyang mga kaaway.
15 Sapagka't, narito, ang Panginoon ay darating na may apoy, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo; upang igawad ang kaniyang galit na may kapusukan, at ang kaniyang saway na may ningas ng apoy. 16 Sapagka't sa pamamagitan ng apoy makikipagpunyagi ang Panginoon, at sa pamamagitan ng kaniyang tabak, sa lahat ng mga tao: at ang mapapatay ng Panginoon ay magiging marami.
17 Silang nangagpapakabanal, at nangagpapakalinis na nagsisiparoon sa mga halamanan, sa likuran ng isa sa gitna, na nagsisikain ng laman ng baboy, at ng kasuklamsuklam, at ng daga; sila'y darating sa isang wakas na magkakasama, sabi ng Panginoon.
18 Sapagka't kilala ko ang kanilang mga gawa at ang kanilang mga pagiisip: ang panahon ay dumarating na aking pipisanin ang lahat na bansa at ang mga may iba't ibang wika; at sila'y magsisiparoon, at mangakikita ang aking kaluwalhatian. 19 At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila, at aking susuguin ang mga nakatanan sa kanila sa mga bansa, sa Tarsia, Pul, at Lud, na nagsisihawak ng busog, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nangakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian; at sila'y mangagpapahayag ng aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa. 20 At kanilang dadalhin ang lahat ninyong mga kapatid mula sa lahat na bansa na pinakahandog sa Panginoon, na nasasakay sa mga kabayo, at sa mga karo, at sa mga duyan, at sa mga mula, at sa mga maliksing hayop, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng Panginoon, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog sa malinis na sisidlan sa bahay ng Panginoon. 21 At sa kanila rin naman ako kukuha ng mga pinaka saserdote at mga pinaka Levita, sabi ng Panginoon.
22 Sapagka't kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa, na aking lilikhain ay mananatili sa harap ko, sabi ng Panginoon, gayon mananatili ang inyong lahi, at ang inyong pangalan. 23 At mangyayari, na mula sa bagong buwan hanggang sa panibago, at mula sa isang sabbath hanggang sa panibago, paroroon ang lahat na tao upang sumamba sa harap ko, sabi ng Panginoon.
24 At sila'y magsisilabas, at magsisitingin sa mga bangkay ng mga taong nagsisalangsang laban sa akin: sapagka't ang kanilang uod ay hindi mamamatay, o mamamatay man ang kanilang apoy; at sila'y magiging kayamutan sa lahat ng mga tao.