1 Noong taong mamatay ang haring Uzzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang luklukan, matayog at mataas; at pinuno ang templo ng kaniyang kaluwalhatian. 2 Sa itaas niya ay nangakatayo ang mga serapin: bawa't isa'y may anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya.
3 At nagsisigawang isa't isa, at nagsasabi, Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian.
4 At ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok. 5 Nang magkagayo'y sinabi ko, Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.
6 Nang magkagayo'y nilipad ako ng isa sa mga serapin, na may baga sa kaniyang kamay, na kaniyang kinuha ng mga pangipit mula sa dambana: 7 At hinipo niya niyaon ang aking bibig, at nagsabi, Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at ang iyong kasamaan ay naalis, at ang iyong kasalanan ay naalis.
8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.
9 At sinabi niya, Ikaw ay yumaon, at saysayin mo sa bayang ito, inyong naririnig nga, nguni't hindi ninyo nauunawa; at nakikita nga ninyo, nguni't hindi ninyo namamalas. 10 Patabain mo ang puso ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pakinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata; at mangakarinig ng kanilang mga pakinig, at mangakaunawa ng kanilang puso, at mangagbalik loob, at magsigaling. 11 Nang magkagayo'y sinabi ko, Panginoon, hanggang kailan? At siya'y sumagot, Hanggang sa ang mga bayan ay mangagiba na walang tumahan, at ang mga bahay ay mangawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na giba, 12 At ilayo ng Panginoon ang mga tao, at ang mga nilimot na dako ay magsidami sa gitna ng lupain. 13 At kung magkaroon ng ikasangpung bahagi roon, mapupugnaw uli: gaya ng isang roble, at gaya ng isang encina, na ang puno ay naiiwan, pagka pinuputol; gayon ang banal na lahi ay siyang puno niyaon.