1 Ang salita na naalaman ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.
2 At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon. 3 At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem. 4 At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.
5 Oh sangbahayan ni Jacob, halikayo, at tayo'y magsilakad sa liwanag ng Panginoon.
6 Sapagka't iyong binayaan ang iyong bayan na sangbahayan ni Jacob, sapagka't sila'y puspos ng mga kaugaliang mula sa silanganan, at mga enkantador gaya ng mga Filisteo, at sila'y nangakikipagkamay sa mga anak ng mga taga ibang lupa. 7 Ang kanilang lupain naman ay puno ng pilak at ginto, ni walang wakas ang kanilang mga kayamanan; ang kanila namang lupain ay puno ng mga kabayo, ni walang katapusang bilang ang kanilang mga karo. 8 Ang kanila namang lupain ay puno ng mga diosdiosan; kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang sariling mga kamay, na ginawa ng kanilang sariling mga daliri. 9 At ang taong hamak ay yumuyuko, at ang mataas na tao ay nabababa: kaya't huwag mong patawarin sila. 10 Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, sa kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan. 11 Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay mabababa, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mahuhutok, at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.
12 Sapagka't magkakaroon ng isang kaarawan ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat na palalo at mapagmataas, at sa lahat na nagmamataas; at yao'y mabababa: 13 At sa lahat ng cedro ng Libano, na matayog at mataas, at sa lahat ng encina ng Basan; 14 At sa lahat ng matataas na bundok, at sa lahat ng mga burol na nangataas; 15 At sa bawa't matayog na moog, at sa bawa't kutang nababakod: 16 At sa lahat ng mga sasakyang dagat ng Tarsis, at sa lahat ng maligayang bagay. 17 At ang kahambugan ng tao ay huhutukin, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mabababa: at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon. 18 At ang mga diosdiosan ay mapapawing lubos. 19 At ang mga tao ay magsisipasok sa mga yungib ng malalaking bato, at sa mga puwang ng lupa, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.
20 Sa kaarawang yaon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diosdiosang pilak, at ang kanilang mga diosdiosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa yungib ng mga bilig at ng mga paniki; 21 Upang pumasok sa mga puwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga malaking bato, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa. 22 Layuan ninyo ang tao, na ang hinga ay nasa kaniyang mga butas ng ilong: sapagka't sa ano pahahalagahan siya?