1 Nang magkagayon ay hindi nakapagpigil si Jose sa harap nilang lahat na nakatayo sa siping niya; at sumigaw, Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harap. At walang taong tumayo na kasama niya samantalang si Jose ay napakikilala sa kaniyang mga kapatid. 2 At siya'y umiyak ng malakas: at narinig ng mga Egipcio, at narinig ng sangbahayan ni Faraon. 3 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Ako'y si Jose; buhay pa ba ang aking ama? At ang kaniyang mga kapatid ay hindi mangakasagot sa kaniya: sapagka't sila'y nagugulumihanan sa kaniyang harap.
4 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Lumapit kayo sa akin, isinasamo ko sa inyo. At sila'y lumapit. At kaniyang sinabi: Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Egipto. 5 At ngayo'y huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito: sapagka't sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay. 6 Sapagka't may dalawang taon nang ang kagutom ay nasa lupain; at may limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid, o pagaani man. 7 At sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas. 8 Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios: at kaniya akong ginawang ama kay Faraon, at panginoon sa buo niyang bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Egipto. 9 Magmadali kayo, at pumaroon kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kaniya: Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa akong panginoon ng Dios sa buong Egipto: pumarito ka sa akin, huwag kang magluwat. 10 At ikaw ay tatahan sa lupain ng Gosen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga kawan, at ang iyong mga bakahan, at ang iyong buong tinatangkilik. 11 At doo'y kakandilihin kita; sapagka't may limang taong kagutom pa; baka ikaw ay madukha, ikaw at ang iyong sangbahayan, at ang lahat ng iyo. 12 At, narito, nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang aking bibig ang nagsasalita sa inyo. 13 At inyong sasaysayin sa aking ama ang aking buong kaluwalhatian sa Egipto, at ang inyong buong nakita; at kayo'y magmamadali at inyong ibababa rito ang aking ama. 14 At siya'y humilig sa leeg ng kaniyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa ibabaw ng kaniyang leeg. 15 At kaniyang hinagkan ang lahat niyang kapatid, at umiyak sa kanila: at pagkatapos ay nakipagsalitaan sa kaniya ang kaniyang mga kapatid.
16 At ang kabantugang yaon ay naibalita sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Nagsidating ang mga kapatid ni Jose: at ikinalugod ni Faraon, at ng kaniyang mga lingkod. 17 At sinabi ni Faraon kay Jose, Sabihin mo sa iyong mga kapatid, Ito'y gawin ninyo: pasanan ninyo ang inyong mga hayop, at kayo'y yumaon, umuwi sa lupain ng Canaan; 18 At dalhin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sangbahayan, at pumarito kayo sa akin: at aking ibibigay sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Egipto, at kakanin ninyo ang katabaan ng lupain. 19 Ngayo'y inuutusan ka, ito'y gawin ninyo; kumuha kayo ng mga kariton sa lupain ng Egipto para sa inyong mga bata, at sa inyong mga asawa, at dalhin ninyo rito ang inyong ama, at kayo'y pumarito. 20 Huwag din ninyong lingapin ang inyong pag-aari; dahil sa ang buti ng buong lupain ng Egipto ay inyo.
21 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel: at binigyan sila ni Jose ng mga kariton, ayon sa utos ni Faraon, at sila'y binigyan ng mababaon sa daan. 22 Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pangpalit na bihisan; nguni't kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang putol na pilak, at limang pangpalit na bihisan. 23 At sa kaniyang ama ay nagpadala siya ng ganitong paraan; sangpung asnong may pasang mabuting mga bagay sa Egipto, at sangpung asna na may pasang trigo at tinapay at pagkain ng kaniyang ama sa daan. 24 Sa ganito ay kaniyang pinapagpaalam ang kaniyang mga kapatid, at sila'y yumaon: at kaniyang sinabi sa kanila, Huwag kayong magkaaalit sa daan.
25 At sila'y sumumpa mula sa Egipto, at naparoon sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama. 26 At kanilang isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Si Jose ay buhay pa, at siya'y puno sa buong lupain ng Egipto. At ang kaniyang puso ay nanglupaypay, sapagka't di niya pinaniwalaan sila. 27 At kanilang isinaysay sa kaniya ang lahat ng salita ni Jose, na kaniyang sinabi sa kanila: nang kaniyang makita ang mga karitong ipinadala ni Jose upang dalhin sa kaniya, ay nagsauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama. 28 At sinabi ni Israel, Siya na; si Jose na aking anak ay buhay pa: ako'y paroroon at titingnan ko siya, bago ako mamatay.