1 Nang magkagayo'y lumapit sa akin ang ilan sa mga matanda sa Israel, at nangaupo sa harap ko. 2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na nagsasabi, 3 Anak ng tao, tinaglay ng mga lalaking ito ang kanilang mga diosdiosan sa kanilang puso, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa harap ng kanilang mukha: dapat bagang sanggunian nila ako? 4 Kaya't salitain mo sa kanila, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Bawa't tao sa sangbahayan ni Israel na nagtataglay ng kaniyang mga diosdiosan sa kaniyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kaniyang kasamaan sa harap ng kaniyang mukha, at naparoroon sa propeta; akong Panginoon ay sasagot sa kaniya roon ng ayon sa karamihan ng kaniyang mga diosdiosan; 5 Upang aking makuha ang sangbahayan ni Israel sa kanilang sariling puso sapagka't silang lahat ay nagsilayo sa akin dahil sa kanilang mga diosdiosan.
6 Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Mangagbalik-loob kayo, at kayo'y magsitalikod sa inyong mga diosdiosan; at ihiwalay ninyo ang inyong mga mukha sa lahat ninyong kasuklamsuklam. 7 Sapagka't bawa't tao sa sangbahayan ni Israel, o sa mga taga ibang lupa na nangananahan sa Israel, na humihiwalay ng kaniyang sarili sa akin, at nagtataglay ng kaniyang mga diosdiosan sa kaniyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kaniyang kasamaan sa harap ng kaniyang mukha, at naparoroon sa propeta upang magusisa sa akin tungkol sa kaniyang sarili; akong Panginoon ang sasagot sa kaniya: 8 At aking ititingin ang aking mukha laban sa taong yaon, at aking gagawin siyang katigilan, na pinakatanda at pinaka kawikaan, at aking ihihiwalay siya sa gitna ng aking bayan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon. 9 At kung ang propeta ay madaya at magsalita ng isang salita, akong Panginoon ang dumaya sa propetang yaon, at aking iuunat ang aking kamay sa kaniya, at papatayin ko siya mula sa gitna ng aking bayang Israel. 10 At kanilang dadanasin ang kanilang kasamaan: ang kasamaan ng propeta ay magiging gaya nga ng kasamaan niya na humahanap sa kaniya; 11 Upang ang sangbahayan ni Israel ay huwag nang maligaw pa sa akin, o mahawa pa man sa lahat nilang pagsalangsang; kundi upang sila'y maging aking bayan, at ako'y maging kanilang Dios, sabi ng Panginoong Dios.
12 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, 13 Anak ng tao, pagka ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng pagsalangsang, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyaon, at nagsugo ako ng kagutom doon, at aking inihiwalay roon ang tao at hayop; 14 Bagaman ang tatlong lalaking ito, na si Noe, si Daniel at si Job, ay nangandoon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga kaluluwa, sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong Dios.
15 Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain, at kanilang sirain, at ito'y magiba na anopa't walang taong makadaan dahil sa mga hayop; 16 Bagaman ang tatlong lalaking ito ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi sila mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man; sila lamang ang maliligtas, nguni't ang lupain ay masisira.
17 O kung ako'y magpasapit ng tabak sa lupaing yaon, at aking sabihin, Tabak, dumaan ka sa lupain; na anopa't aking ihiwalay roon ang tao at hayop; 18 Bagaman ang tatlong lalaking ito ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, sila'y hindi mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas.
19 O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing yaon, at aking ibugso ang aking kapusukan sa kaniya na may kabagsikan, upang ihiwalay ang tao't hayop; 20 Bagaman si Noe, si Daniel, at si Job, ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi sila mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling kaluluwa sa pamamagitan ng kanilang katuwiran.
21 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Gaano pa nga kaya kung aking pasapitin ang aking apat na mahigpit na kahatulan sa Jerusalem, ang tabak, at ang kagutom, at ang mabangis na hayop, at ang salot, upang ihiwalay roon ang tao at hayop? 22 Gayon ma'y, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalake at sangpu ng babae: narito, kanilang lalabasin kayo, at inyong makikita ang kanilang mga lakad at ang kanilang mga gawa; at kayo'y mangaaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinasapit sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon. 23 At kanilang aaliwin kayo pagka nakikita ninyo ang kanilang lakad at ang kanilang mga gawa at inyong makikilala na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong Dios.