1 Sapagka't lahat ng ito ay inilagak ko sa aking puso, upang siyasatin ang lahat ng ito; na ang matuwid, at ang pantas, at ang kanilang mga gawa, ay nangasa kamay ng Dios: maging pagibig o pagtatanim hindi nalalaman ng tao; lahat ay nangasa harap nila. 2 Lahat ng mga bagay ay nagsisidating na parapara sa lahat: may isang pangyayari sa matuwid at sa masama; sa mabuti, at sa malinis, at sa marumi; sa kaniyang naghahain at sa kaniyang hindi naghahain: kung paano ang mabuti, gayon ang makasalanan; at ang sumusumpa, gaya ng natatakot sa sumpa. 3 Ito'y isang kasamaan sa lahat na nalikha sa ilalim ng araw, na may isang pangyayari sa lahat: oo, gayon din, ang puso ng mga anak ng mga tao ay puspos ng kasamaan, at kaululan ang nasa kanilang puso habang sila'y nangabubuhay, at pagkatapos niyaon ay napatutungo sa pagkamatay. 4 Sapagka't sa kaniya, na napisan sa lahat na may buhay ay may pagasa: sapagka't ang buhay na aso ay maigi kay sa patay na leon. 5 Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan. 6 Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.
7 Yumaon ka ng iyong lakad, kumain ka ng iyong tinapay na may kagalakan, at uminom ka ng iyong alak na may masayang puso; sapagka't tinanggap na ng Dios ang iyong mga gawa.
8 Maging maputing lagi ang iyong mga suot; at huwag magkulang ng unguento ang iyong ulo.
9 Ikaw ay mabuhay na masaya na kalakip ng asawa na iyong iniibig sa lahat ng mga kaarawan ng buhay ng iyong walang kabuluhan, na kaniyang ibinigay sa iyo sa ilalim ng araw, lahat ng mga kaarawan ng iyong walang kabuluhan: sapagka't iyan ang iyong bahagi sa buhay, at sa iyong gawa na iyong ginagawa sa ilalim ng araw. 10 Anomang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagka't walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol, na iyong pinaparunan.
11 Ako'y bumalik, at nakita ko sa ilalim ng araw, na ang paguunahan ay hindi sa mga matulin, ni ang pagbabaka man ay sa mga malakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong naguunawa, ni ang kaloob man ay sa taong matalino; kundi ang panahon at kapalaran ay mangyayari sa kanilang lahat. 12 Sapagka't hindi rin nalalaman ng tao ang kaniyang kapanahunan: kung paano ang mga isda na nahuhuli sa masamang lambat, at kung paano ang mga ibon na nahuhuli sa bitag, gayon ang mga anak ng mga tao, ay nasisilo sa masamang kapanahunan, pagka biglang nahuhulog sa kanila.
13 Nakita ko rin ang karunungan sa ilalim ng araw, sa ganitong anyo, at naging tila dakila sa akin: 14 Nagkaroon ng maliit na bayan, at iilan ang tao sa loob niyaon; at may dumating na dakilang hari laban doon, at kumubkob, at nagtayo ng mga malaking tanggulan laban doon: 15 May nasumpungan nga roong isang dukhang pantas na lalake, at iniligtas niya ng kaniyang karunungan ang bayan; gayon ma'y walang umalaala sa dukhang lalaking yaon. 16 Nang magkagayo'y sinabi ko, Karunungan ay maigi kay sa kalakasan: gayon ma'y karunungan ng dukhang taong yaon ay hinamak, at ang kaniyang mga salita ay hindi dinidinig.
17 Ang mga salita ng pantas na sinalitang marahan ay narinig na higit kay sa hiyaw ng nagpupuno sa mga mangmang. 18 Karunungan ay maigi kay sa mga sandata sa pakikipagdigma: nguni't ang isang makasalanan ay sumisira ng maraming mabuti.