1 At si Moises at ang mga matanda sa Israel ay nagutos sa bayan, na sinasabi, Ganapin mo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito. 2 At mangyayaring sa araw na iyong tatawirin ang Jordan na patungo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay maglalagay ka ng malalaking bato, at iyong tatapalan ng argamasa; 3 At iyong isusulat sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito, pagka iyong naraanan; upang iyong mapasok ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang. 4 At mangyayari na pagtawid mo ng Jordan, na iyong ilalagay ang mga batong ito, na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal, at iyong tatapalan ng argamasa. 5 At doo'y magtatayo ka ng isang dambana sa Panginoon mong Dios, ng isang dambana na mga bato; huwag mong pagbubuhatan ang mga ito ng kasangkapang bakal. 6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Dios, at maghahandog ka roon ng mga handog na susunugin, sa Panginoon mong Dios. 7 At ikaw ay maghahain ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at iyong kakanin doon; at ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios; 8 At iyong isusulat na malinaw sa mga batong yaon, ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
9 At si Moises at ang mga saserdote na ang mga Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, Tumahimik ka at dinggin mo, Oh Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Dios. 10 Iyo ngang susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, at tutuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
11 At ibinilin ni Moises sa bayan nang araw ding yaon, na sinasabi, 12 Ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Gerizim, upang basbasan ang bayan, pagka inyong naraanan na ang Jordan; ang Simeon, at ang Levi, at ang Juda, at ang Issachar at ang Jose, at ang Benjamin: 13 At ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa; ang Ruben, ang Gad, at ang Aser, at ang Zabulon, ang Dan, at ang Nephtali. 14 At ang mga Levita ay sasagot, at magsasabi ng malakas na tinig sa lahat ng mga lalake sa Israel.
15 Sumpain ang taong gumagawa ng larawang inanyuan o binubo, bagay na karumaldumal sa Panginoon, na gawa ng mga kamay ng manggagawa, at inilagay sa dakong lihim. At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, Siya nawa.
16 Sumpain yaong sumira ng puri sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
17 Sumpain yaong bumago ng muhon ng kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
18 Sumpain yaong magligaw ng bulag sa daan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
19 Sumpain yaong magliko ng matuwid ng taga ibang bayan, ng ulila at ng babaing bao. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
20 Sumpain yaong sumiping sa asawa ng kaniyang ama; sapagka't kaniyang inilitaw ang balabal ng kaniyang ama. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
21 Sumpain yaong sumiping sa alinmang hayop. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
22 Sumpain yaong sumiping sa kaniyang kapatid na babae, sa anak ng kaniyang ama, o sa anak na babae ng kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
23 Sumpain yaong sumiping sa kaniyang biyanan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
24 Sumpain yaong sumakit ng lihim sa kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
25 Sumpain yaong tumanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
26 Sumpain yaong hindi umayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.