1 Nang magkagayo'y pumihit tayo, at lumakad tayo sa ilang na daang patungo sa Dagat na Mapula, gaya ng sinalita sa akin ng Panginoon; at tayo'y malaong lumigid sa bundok ng Seir. 2 At ang Panginoon ay nagsalita sa akin, na sinasabi, 3 Malaon na ninyong naligid ang bundok na ito: lumiko kayo sa dakong hilagaan. 4 At iutos mo sa bayan, na iyong sabihin, Kayo'y dadaan sa hangganan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo. Magsipagingat nga kayong mabuti: 5 Huwag kayong makipagkaalit sa kanila; sapagka't hindi ko ibibigay sa inyo ang kanilang lupain, kahit ang natutungtungan ng talampakan ng isang paa: sapagka't ibinigay ko kay Esau, na pinakaari ang bundok ng Seir. 6 Kayo'y bibili sa kanila ng pagkain sa pamamagitan ng salapi, upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi, upang kayo'y makainom. 7 Sapagka't pinagpala ka ng Panginoon mong Dios, sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kaniyang natalastas ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; sa loob nitong apat na pung taon ay sumaiyo ang Panginoon mong Dios; ikaw ay di kinulang ng anoman.
8 Gayon tayo nagdaan sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, mula sa daan ng Araba, mula sa Elath at mula sa Esion-geber. At tayo'y bumalik at nagdaan sa ilang ng Moab. 9 At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong kaalitin ang Moab, ni kakalabanin sila sa digma; sapagka't hindi kita bibigyan sa kaniyang lupain ng pinakaari; sapagka't aking ibinigay na pinakaari ang Ar sa mga anak ni Lot. 10 (Ang mga Emimeo ay nanahan doon noong una, bayang malaki, at marami, at matataas na gaya ng mga Anaceo: 11 Ang mga ito man ay ibinilang na mga Rephaim, na gaya ng mga Anaceo; nguni't tinatawag silang Emimeo ng mga Moabita. 12 Ang mga Hereo man ay tumahan sa Seir noong una, nguni't ang mga anak ni Esau ay humalili sa kanila; at nalipol sila ng mga ito sa harap din nila, at tumahan na kahalili nila; gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kaniyang pag-aari, na ibinigay ng Panginoon sa kanila.) 13 Ngayon, tumindig kayo, at tumawid kayo sa batis ng Zered. At tayo'y tumawid sa batis ng Zered. 14 At ang mga araw na ating ipinaglakad mula sa Cades-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zered, ay tatlong pu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mangdidigma ay nalipol sa gitna ng kampamento, gaya ng isinumpa sa kanila ng Panginoon. 15 Bukod dito'y ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampamento, hanggang sa sila'y nalipol.
16 Kaya't nangyari, nang malipol at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mangdidigma. 17 Ay sinalita sa akin ng Panginoon, na sinasabi, 18 Ikaw ay dadaan sa araw na ito sa Ar, na hangganan ng Moab: 19 At pagka ikaw ay matatapat sa mga anak ni Ammon, ay huwag kang manampalasan sa kanila ni makipagtalo sa kanila: sapagka't hindi ko ibibigay sa iyo na pinakaari ang lupain ng mga anak ni Ammon: sapagka't aking ibinigay na pinakaari sa mga anak ni Lot. 20 (Yaon man ay ibinilang na lupain ng mga Rephaim: ang mga Rephaim ang tumatahan doon noong una; nguni't tinawag na mga Zomzommeo ng mga Ammonita; 21 Bayang malaki at marami at matataas na gaya ng mga Anaceo; nguni't nilipol sila ng Panginoon sa harap nila; at sila'y humalili sa kanila, at tumahang kahalili nila: 22 Gaya ng ginawa ng Panginoon sa mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, nang kaniyang lipulin ang mga Horeo sa harap nila; at sila'y humalili sa kanila, at tumahang kahalili nila hanggang sa araw na ito: 23 At ang mga Heveo na nangagsitahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ay nilipol ng mga Caftoreo na nangagmula sa Caftor, at tumahang kahalili nila.) 24 Magsitindig kayo, kayo'y maglakbay, at magdaan kayo sa libis ng Arnon: narito, aking ibinigay sa iyong kamay si Sehon na Amorrheo, na hari sa Hesbon, at ang kaniyang lupain: pasimulan mong ariin, at kalabanin mo siya sa digma. 25 Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay sa mga bayang nangasa silong ng buong langit, ang sindak sa iyo at ang takot sa iyo, na maririnig nila ang iyong kabantugan, at magsisipanginig, at mangahahapis, dahil sa iyo.
26 At ako'y nagsugo ng mga sugo mula sa ilang ng Cademoth kay Sehon na hari sa Hesbon na may mapayapang pananalita, na sinasabi, 27 Paraanin mo ako sa iyong lupain: sa daan lamang ako lalakad, hindi ako liliko maging sa kanan ni sa kaliwa. 28 Pagbibilhan mo ako ng pagkain sa salapi, upang makakain ako, at bibigyan mo ako ng tubig sa salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako ng aking mga paa; 29 Gaya ng ginawa sa akin ng mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, at ng mga Moabita na tumatahan sa Ar; hanggang sa makatawid ako sa Jordan, sa lupaing sa amin ay ibinibigay ng Panginoon naming Dios. 30 Nguni't ayaw tayong paraanin ni Sehon na hari sa Hesbon sa lupa niya; sapagka't pinapagmatigas ng Panginoon mong Dios ang kaniyang diwa, at pinapagmatigas ang kaniyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito. 31 At sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, aking pinasimulang ibigay sa harap mo si Sehon at ang kaniyang lupain: pasimulan mong ariin upang iyong mamana ang kaniyang lupain. 32 Nang magkagayo'y lumabas si Sehon laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka sa Jahaz. 33 At ibinigay siya ng Panginoon nating Dios sa harap natin; at ating sinaktan siya, at ang kaniyang mga anak at ang kaniyang buong bayan. 34 At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon, at ating lubos na nilipol ang bawa't bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata; wala tayong itinira: 35 Ang mga hayop lamang ang dinalang pinakasamsam, sangpu ng mga nasamsam sa mga bayan na ating sinakop. 36 Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa bayan na nasa libis, hanggang sa Galaad, ay wala tayong minataas na bayan: ibinigay na lahat sa harap natin ng Panginoon nating Dios: 37 Sa lupain lamang ng mga anak ni Ammon hindi ka lumapit; sa buong pangpang ng ilog Jaboc at sa mga bayan ng lupaing maburol, at saan man na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Dios.