1 Huwag kang maghahain sa Panginoon mong Dios ng baka o tupa, na may dungis o anomang kapintasan; sapagka't yao'y isang karumaldumal sa Panginoon mong Dios.
2 Kung may masusumpungan sa gitna mo, sa loob ng alin man sa iyong mga pintuang-daan, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ang lalake o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon mong Dios, sa pagsalangsang sa kaniyang tipan, 3 At yumaon at naglingkod sa ibang mga dios, at sumamba sa kanila, o sa araw, o sa buwan, o sa anomang natatanaw sa langit na hindi ko iniutos; 4 At maisaysay sa iyo, at iyong mabalitaan; ay iyo ngang sisiyasating masikap; at, narito, kung totoo, at ang bagay ay tunay, na ang gayong karumaldumal ay nagawa sa Israel, 5 Ay iyo ngang ilalabas ang lalake o babaing yaon, na gumawa nitong bagay na kasamaan, sa iyong mga pintuang-daan, sa makatuwid baga'y ang lalake o babae; at iyong babatuhin sila ng mga bato, hanggang sila'y mamatay. 6 Sa bibig ng dalawang saksi, o ng tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin. 7 Ang kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kaniya at pagkatapos ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
8 Kung magkakaroon ng totoong mahirap na bagay sa iyo sa paghatol, na dugo't dugo, usap at usap, at bugbog at bugbog, na bagay na pagkakaalit sa loob ng iyong mga pintuang-daan, ikaw nga'y titindig at sasampa sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios; 9 At ikaw ay paroroon sa mga saserdote na mga Levita, at sa magiging hukom sa mga araw na yaon: at iyong sisiyasatin; at kanilang ipakikilala sa iyo ang hatol ng kahatulan. 10 At iyong gagawin ayon sa tinig ng hatol, na kanilang ipakikilala sa iyo mula sa dakong yaon na pipiliin ng Panginoon; at iyong isasagawa ayon sa lahat na kanilang ituturo sa iyo: 11 Ayon sa tinig ng kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa kahatulan na kanilang isasaysay sa iyo, ay gagawin mo: huwag kang liliko sa hatol na kanilang ipakikilala sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man. 12 At ang tao na gumawa ng pagpapalalo, sa di pakikinig sa saserdote na tumatayo upang mangasiwa doon sa harap ng Panginoon mong Dios, o sa hukom, ay papatayin nga ang taong yaon: at iyong aalisin ang kasamaan sa Israel. 13 At maririnig ng buong bayan at matatakot, at di na gagawa pa ng pagpapalalo.
14 Pagka ikaw ay dumating sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at iyong aariin, at iyong tatahanan; at iyong sasabihin, Ako'y maglalagay ng isang hari sa akin gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko; 15 Ay ilalagay mo ngang hari sa iyo, yaong pipiliin ng Panginoon mong Dios: na isa sa iyong mga kapatid ang ilalagay mong hari sa iyo: hindi mo mailalagay sa iyo ang isang taga ibang bayan, na hindi mo kapatid. 16 Huwag lamang siyang magpaparami ng mga kabayo, ni pababalikin niya ang bayan sa Egipto, upang siya'y makapagparami ng mga kabayo: sapagka't sinabi sa inyo ng Panginoon, Huwag na ninyong babalikan mula ngayon ang daang yaon. 17 Ni huwag siyang magpaparami ng mga asawa, upang huwag maligaw ang kaniyang puso: ni huwag siyang magpaparami ng pilak at ginto.
18 At mangyayari, na pagka siya'y luluklok sa luklukan ng kaniyang kaharian, ay kaniyang susulatin ang isang salin ng kautusang ito sa isang aklat, na nasa harap ng mga saserdote na mga Levita: 19 At mamamalagi sa kaniya, at kaniyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay: upang siya'y magaral na matakot sa Panginoon niyang Dios, upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ng mga palatuntunang ito; 20 Upang ang kaniyang puso ay huwag magmataas sa kaniyang mga kapatid at siya'y huwag maligaw sa utos, maging sa kanan, o sa kaliwa: upang kaniyang maparami ang kaniyang mga araw sa kaniyang kaharian, niya, at ng kaniyang mga anak sa gitna ng Israel.