1 At nangyari, nang isasampa ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo, na si Elias ay yumaong kasama ni Eliseo mula sa Gilgal. 2 At sinabi ni Elias kay Eliseo, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito: sapagka't sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Beth-el. At sinabi ni Eliseo, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. Sa gayo'y bumaba sila sa Beth-el. 3 At nilabas ng mga anak ng mga propeta na nasa Beth-el si Eliseo, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At kaniyang sinabi, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.
4 At sinabi ni Elias sa kaniya, Eliseo, isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka't sinugo ako ng Panginoon sa Jerico. At kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. Sa gayo'y nagsiparoon sila sa Jerico. 5 At nagsilapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At siya'y sumagot, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.
6 At sinabi ni Elias sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka't sinugo ako ng Panginoon sa Jordan. At kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At silang dalawa ay nagsiyaon. 7 At limangpu sa mga anak ng mga propeta ay nagsiyaon, at nagsitayo sa tapat nila sa malayo; at silang dalawa ay nagsitayo sa tabi ng Jordan. 8 At kinuha ni Elias ang kaniyang balabal, at tiniklop, at hinampas ang tubig, at nahawi dito at doon, na ano pa't silang dalawa'y nagsidaan sa tuyong lupa.
9 At nangyari, nang sila'y makatawid, na sinabi ni Elias kay Eliseo, Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako ihiwalay sa iyo. At sinabi ni Eliseo, Isinasamo ko sa iyo, na ang ibayong bahagi ng iyong diwa ay sumaakin. 10 At sinabi niya, Ikaw ay humingi ng mabigat na bagay: gayon ma'y kung makita mo ako pagka ako'y inihiwalay sa iyo, magiging gayon sa iyo; nguni't kung hindi ay hindi magiging gayon. 11 At nangyari, samantalang sila'y nagpapatuloy, at nagsasalitaan, na narito, napakita ang isang karong apoy, at mga kabayong apoy, na naghiwalay sa kanila kapuwa; at si Elias ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo.
12 At nakita ni Eliseo, at siya'y sumigaw. Ama ko, ama ko, mga karo ng Israel at mga mangangabayo niyaon! At hindi na niya nakita siya: at kaniyang hinawakan ang kaniyang sariling kasuutan, at hinapak ng dalawang hati. 13 Kinuha rin niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kaniya, at siya'y bumalik, at tumayo sa tabi ng pangpang ng Jordan. 14 At kaniyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kaniya, at hinampas ang tubig, at sinabi, Saan nandoon ang Panginoon, ang Dios ni Elias? at nang kaniyang mahampas naman ang tubig, ay nahawi dito at doon: at si Eliseo ay tumawid.
15 At nang makita siya ng mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico sa tapat niya, ay kanilang sinabi, Ang diwa ni Elias ay sumasa kay Eliseo. At sila'y nagsiyaon na sinalubong siya, at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya. 16 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito ngayon, sa iyong mga lingkod ay may limangpung malalakas na lalake; isinasamo namin sa iyo na payaunin mo sila, at hanapin ang inyong panginoon, baka sakaling itinaas ng Espiritu ng Panginoon, at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis. At kaniyang sinabi, Huwag kayong magsipagsugo. 17 At nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, at kaniyang sinabi, Magsipagsugo kayo. Sila'y nagsipagsugo nga ng limangpung lalake, at hinanap nilang tatlong araw, nguni't hindi nasumpungan siya. 18 At sila'y nagsibalik sa kaniya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico; at kaniyang sinabi sa kanila, Di ba sinabi ko sa inyo: Huwag kayong magsiyaon?
19 At sinabi ng mga lalake sa bayan kay Eliseo: Tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, na ang kalagayan ng bayang ito ay maligaya, gaya ng nakikita ng aking panginoon: nguni't ang tubig ay masama, at ang lupa ay nagpapalagas ng bunga. 20 At kaniyang sinabi, Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at sidlan ninyo ng asin. At kanilang dinala sa kaniya. 21 At siya'y naparoon sa bukal ng tubig, at hinagisan niya ng asin, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Aking pinabuti ang tubig na ito; hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan pa o pagkalagas ng bunga. 22 Sa gayo'y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kaniyang sinalita.
23 At siya'y umahon sa Beth-el mula roon: at samantalang siya'y umaahon sa daan, may nagsilabas sa bayan na mga bata, at tinuya siya, at sinabi nila sa kaniya, Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo; umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo. 24 At siya'y lumingon sa likuran niya, at nangakita niya, at sinumpa niya sila sa pangalan ng Panginoon. At doo'y lumabas ang dalawang osong babae sa gubat, at lumapa ng apat na pu't dalawang bata sa kanila. 25 At siya'y naparoon sa bundok ng Carmelo mula roon, at mula roo'y bumalik siya sa Samaria.