1 At ang espiritu ng Dios ay suma kay Azarias na anak ni Obed: 2 At siya'y lumabas na sinalubong si Asa, at sinabi niya sa kaniya, Dinggin ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: ang Panginoon ay sumasa inyo samantalang kayo'y sumasa kaniya: at kung inyong hanapin siya, siya'y masusumpungan ninyo; nguni't kung pabayaan ninyo siya, kaniyang pababayaan kayo. 3 Ngayon nga ang Israel ay malaon nang walang Dios na tunay at walang tagapagturong saserdote, at walang kautusan: 4 Nguni't nang sa kanilang kapanglawan ay nagsipagbalik sila sa Panginoon, sa Dios ng Israel, at hinanap nila siya, siya'y nasumpungan nila. 5 At nang mga panahong yaon ay walang kapayapaan sa kaniya na lumabas, o sa kaniya na pumasok, kundi malaking ligalig ang nangasa lahat ng mga nananahan sa mga lupain. 6 At sila'y nagkapangkatpangkat, bansa laban sa bansa, at bayan laban sa bayan: sapagka't niligalig sila ng Dios ng buong kapighatian. 7 Nguni't mangagpakalakas kayo, at huwag manglata ang inyong mga kamay; sapagka't ang inyong mga gawa ay gagantihin.
8 At nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, at ang hula ni Obed na propeta, siya'y lumakas, at inalis ang mga karumaldumal sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga bayan na kaniyang sinakop sa lupaing maburol ng Ephraim; at kaniyang binago ang dambana ng Panginoon, na nasa harap ng portiko ng Panginoon. 9 At kaniyang pinisan ang buong Juda at Benjamin, at silang mga nakikipamayan na kasama nila mula sa Ephraim at Manases, at mula sa Simeon; sapagka't sila'y nagsihilig sa kaniya na mula sa Israel na sagana, nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Dios ay sumasa kaniya. 10 Sa gayo'y nangagpipisan sila sa Jerusalem sa ikatlong buwan, sa ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa. 11 At sila'y nagsipaghain sa Panginoon sa araw na yaon, sa samsam na kanilang dinala, na pitong daang baka at pitong libong tupa. 12 At sila'y pumasok sa tipan upang hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, ng kanilang buong puso, at ng kanilang buong kaluluwa. 13 At sinomang hindi humanap sa Panginoon, sa Dios ng Israel, ay papatayin, maging maliit o malaki, maging lalake o babae. 14 At sila'y nagsisumpa sa Panginoon ng malakas na tinig, at may mga hiyawan, at may mga pakakak, at may mga patunog. 15 At ang buong Juda ay nagalak sa sumpa: sapagka't sila'y nagsisumpa ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang nasa; at siya'y nasumpungan sa kanila: at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.
16 At si Maacha naman na ina ni Asa na hari, ay inalis niya sa pagkareina, sapagka't siya'y gumawa ng nakasusuklam na larawan na pinaka Asera; at pinutol ni Asa ang kaniyang larawan, at ginawang alabok, at sinunog sa batis ng Cedron. 17 Nguni't ang mga mataas na dako ay hindi inalis sa Israel: gayon ma'y ang puso ni Asa ay sakdal sa lahat ng kaniyang mga kaarawan. 18 At kaniyang ipinasok sa bahay ng Dios ang mga bagay na itinalaga ng kaniyang ama, at yaon mang kaniyang itinalaga, na pilak, at ginto, at mga sisidlan. 19 At nawalan na ng digma sa ikatatlong pu't limang taon ng paghahari ni Asa.