1 Ang mga araw nga ni David na ikamamatay ay nalalapit; at kaniyang ibinilin kay Salomon na kaniyang anak, na sinasabi, 2 Ako'y yumayaon ng lakad ng buong lupa; ikaw ay magpakalakas nga at magpakalalake; 3 At iyong ingatan ang bilin ng Panginoon mong Dios, na lumakad sa kaniyang mga daan, na ingatan ang kaniyang mga palatuntunan, ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga kahatulan, at ang kaniyang mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay guminhawa sa lahat ng iyong ginagawa, at saan ka man pumihit: 4 Upang papagtibayin ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita tungkol sa akin, na sinasabi, Kung ang iyong mga anak ay magsisipagingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko sa katotohanan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka kukulangin (sabi niya) ng lalake sa luklukan ng Israel.
5 Bukod dito'y talastas mo naman ang ginawa ni Joab na anak ni Sarvia sa akin, sa makatuwid baga'y ang ginawa niya sa dalawang puno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jether na kaniyang pinatay, at ibinubo sa kapayapaan ang dugo ng pakikidigma at nabubo ang dugo ng pakikidigma sa kaniyang bigkis na nasa kaniyang mga balakang, at sa loob ng kaniyang mga pangyapak na nasa kaniyang mga paa. 6 Gumawa ka nga ng ayon sa iyong karunungan, at huwag mong tulutang ang kaniyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol. 7 Nguni't pagpakitaan mo ng kagandahang loob ang mga anak ni Barzillai na Galaadita, at maging kabilang sa nagsisikain sa iyong dulang; sapagka't gayon sila nagsilapit sa akin nang ako'y tumakas kay Absalom na iyong kapatid. 8 At, narito, nasa iyo si Semei na anak ni Gera na Benjamita, na taga Bahurim, na siyang sumumpa sa akin ng mahigpit na sumpa nang araw na ako'y pumaroon sa Mahanaim: nguni't nilusong niyang sinalubong ako sa Jordan, at isinumpa ko sa kaniya ang Panginoon, na sinasabi, Hindi kita papatayin ng tabak. 9 Ngayon nga'y huwag mong ariing walang sala, sapagka't ikaw ay lalaking pantas: at iyong maaalaman ang dapat gawin sa kaniya, at iyong ilusong na may dugo ang kaniyang uban sa ulo sa Sheol.
10 At si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David. 11 At ang mga araw na ipinaghari ni David sa Israel ay apat na pung taon: pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlong pu't tatlong taong naghari siya sa Jerusalem. 12 At si Salomon ay naupo sa luklukan ni David na kaniyang ama: at ang kaniyang kaharian ay natatag na mainam.
13 Nang magkagayo'y si Adonia na anak ni Hagith ay naparoon kay Bath-sheba na ina ni Salomon. At kaniyang sinabi, Naparirito ka bang payapa? At sinabi niya, Payapa. 14 Kaniyang sinabi bukod dito: Mayroon pa akong sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Sabihin mo. 15 At kaniyang sinabi, Talastas mo na ang kaharian ay naging akin, at itinitig ng buong Israel ang kanilang mukha sa akin, upang ako'y maghari: gayon ma'y ang kaharian ay nagbago, at napasa aking kapatid: sapagka't kaniya sa ganang Panginoon. 16 At ngayo'y hihingi ako ng isang hiling sa iyo, huwag mo akong pahindian. At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo. 17 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong salitain kay Salomon na hari, (sapagka't hindi siya pahihindi sa iyo,) na ibigay niyang asawa sa akin si Abisag na Sunamita. 18 At sinabi ni Bath-sheba, Mabuti; aking ipakikiusap ka sa hari.
19 Si Bath-sheba nga'y naparoon sa haring Salomon, upang ipakiusap sa kaniya si Adonia. At tumindig ang hari na sinalubong siya, at yumukod siya sa kaniya, at umupo sa kaniyang luklukan, at nagpalagay ng luklukan para sa ina ng hari; at siya'y naupo sa kaniyang kanan. 20 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ako'y humihingi ng isang munting hiling sa iyo: huwag mo akong pahindian. At sinabi ng hari sa kaniya, Hilingin mo, ina ko: sapagka't hindi kita pahihindian. 21 At sinabi niya, Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na kay Adonia. 22 At ang haring Salomon ay sumagot, at nagsabi sa kaniyang ina, At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonia? hilingin mo para sa kaniya pati ng kaharian; sapagka't siya'y aking matandang kapatid; oo, para sa kaniya, at kay Abiathar na saserdote, at kay Joab na anak ni Sarvia. 23 Nang magkagayo'y isinumpa ng haring Salomon ang Panginoon, na sinasabi, Hatulan ako ng Dios, at lalo na kung si Adonia ay hindi nagsalita ng salitang ito laban sa kaniyang sariling buhay. 24 Ngayon nga'y buhay ang Panginoon, na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa luklukan ni David na aking ama, at siyang gumawa sa akin ng isang bahay, gaya ng kaniyang ipinangako, tunay na si Adonia ay papatayin sa araw na ito. 25 At nagsugo ang haring Salomon sa pamamagitan ng kamay ni Benaia na anak ni Joiada; at siyang dumaluhong sa kaniya, na anopa't siya'y namatay.
26 At kay Abiathar na saserdote ay sinabi ng hari, Umuwi ka sa Anathoth, sa iyong sariling mga bukid; sapagka't ikaw ay karapatdapat sa kamatayan: nguni't sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagka't iyong dinala ang kaban ng Panginoong Dios sa harap ni David na aking ama, at sapagka't ikaw ay napighati sa lahat ng kinapighatian ng aking ama. 27 Sa gayo'y inalis ni Salomon si Abiathar sa pagkasaserdote sa Panginoon upang kaniyang tuparin ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita tungkol sa sangbahayan ni Eli, sa Silo.
28 At ang mga balita ay dumating kay Joab: sapagka't si Joab ay umanib kay Adonia, bagaman hindi siya umanib kay Absalom. At si Joab ay tumakas na napatungo sa Tolda ng Panginoon, at pumigil sa mga anyong sungay ng dambana. 29 At nasaysay sa haring Salomon, Si Joab ay tumakas na napatungo sa Tolda ng Panginoon, at, narito, siya'y nasa siping ng dambana. Nang magkagayo'y sinugo niya si Benaia na anak ni Joiada, na sinasabi, Ikaw ay yumaon, daluhungin mo siya. 30 At si Benaia ay naparoon sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng hari, Lumabas ka. At kaniyang sinabi, Hindi; kundi ako'y mamamatay rito, At dinala ni Benaia sa hari ang salita uli, na sinasabi, Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin. 31 At sinabi ng hari sa kaniya, Gawin kung paano ang sinabi niya, at daluhungin mo siya, at ilibing mo siya; upang iyong maalis ang dugo na ibinubo ni Joab ng walang kadahilanan sa akin at sa sangbahayan ng aking ama. 32 At ibabalik ng Panginoon ang kaniyang dugo sa kaniyang sariling ulo, sapagka't siya'y dumaluhong sa dalawang lalake, na lalong matuwid, at maigi kay sa kaniya, at mga pinatay ng tabak, at hindi nalalaman ng aking amang si David, sa makatuwid baga'y si Abner na anak ni Ner, na puno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jether, na puno ng hukbo ng Juda. 33 Sa gayo'y ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kaniyang binhi magpakailan man: nguni't kay David, at sa kaniyang binhi, at sa kaniyang sangbahayan, sa kaniyang luklukan ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailan man na mula sa Panginoon. 34 Nang magkagayo'y sinampa ni Benaia na anak ni Joiada, at dinaluhong siya, at pinatay siya; at siya'y inilibing sa kaniyang sariling bahay sa ilang. 35 At inilagay ng hari si Benaia na anak ni Joiada na kahalili niya sa hukbo: at si Sadoc na saserdote ay inilagay ng hari na kahalili ni Abiathar.
36 At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at sinabi sa kaniya, Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at tumahan ka roon, at huwag kang pumaroon saan man na mula roon. 37 Sapagka't sa araw na ikaw ay lumabas, at tumawid sa batis ng Cedron, talastasin mong mainam, na ikaw ay walang pagsalang mamamatay: ang iyong dugo ay sasa iyong sariling ulo. 38 At sinabi ni Semei sa hari, Ang sabi ay mabuti: kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod. At si Semei ay tumahan sa Jerusalem na malaon.
39 At nangyari, sa katapusan ng tatlong taon, na dalawa sa mga alipin ni Semei ay tumanan na pumaroon kay Achis, na anak ni Maacha, hari sa Gath. At kanilang sinaysay kay Semei, na sinasabi, Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gath. 40 At tumindig si Semei, at siniyahan ang kaniyang asno, at napasa Gath kay Achis, upang hanapin ang kaniyang mga alipin: at si Semei ay yumaon at dinala ang kaniyang mga alipin mula sa Gath. 41 At nasaysay kay Salomon na si Semei ay naparoon sa Gath mula sa Jerusalem, at bumalik uli. 42 At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at nagsabi sa kaniya, Di ba ipinasumpa ko sa iyo ang Panginoon, at ipinatalastas kong totoo sa iyo, na aking sinasabi, Talastasin mong tunay na sa araw na ikaw ay lumabas, at yumaon saan man, ay walang pagsalang mamamatay ka? at iyong sinabi sa akin. Ang sabi na aking narinig ay mabuti. 43 Bakit nga hindi mo iningatan ang sumpa sa Panginoon, at ang utos na aking ibinilin sa iyo? 44 Sinabi pa ng hari kay Semei, Iyong talastas ang buong kasamaan na nalalaman ng iyong puso, na iyong ginawa kay David na aking ama: kaya't ibabalik ng Panginoon ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo. 45 Nguni't ang haring si Salomon ay magiging mapalad, at ang luklukan ni David ay magiging matatag sa harap ng Panginoon magpakailan man.
46 Sa gayo'y inutusan ng hari si Benaia na anak ni Joiada; at siya'y lumabas, at dumaluhong sa kaniya, na anopa't siya'y namatay. At ang kaharian ay matatag sa kamay ni Salomon,